Mga taong bumabalewala sa COVID-19 protocols dapat ipahiya – DILG Usec. Martin Diño

Imahe mula sa PNA
  • Shame campaign laban sa mga taong bumabalewala sa COVID-19 protocols iminungkahi ni DILG Usec. Martin Diño
  • Dapat daw pagsalitaan ang sinumang makikitang walang face mask sa publiko
  • Kung hindi makikisama ang mga mamamayan, dapat umanong maghigpit tulad ng ginagawa sa Cebu City

Iminungkahi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na ipahiya ang mga taong hindi sumusunod at ipinagwawalang-bahala ang mga COVID-19 protocols na ipinatutupad ng pamahalaan upang makontrol ang pagkalat ng mikrobyo.

Imahe mula sa PNA

Sa isang media forum, sinabi niya na dapat pagsalitaan ang sinumang makikitang walang face mask sa publiko. Ito ay upang matauhan daw ang taong inilalagay sa peligro ang ibang tao. Isang shame campaign ang kanyang iminumungkahi.

“’Yong shame campaign, ang ina-ano ko dito, tayo na, maging aware na tayo na kapag may tao sa labas na nagbabadya na po ng seguridad sa pamilya mo, ano’ng gagawin mo? Ang masasabi mo sa kanya, ‘Mahiya ka naman!’ Kumbaga mayroon kang mga salita para matauhan siya,” ani Usec. Diño.

Kung patuloy daw na hindi nakikisama ang maraming mamamayan sa pagpigil sa pandemya, dapat na raw magpatupad ng mahigpit na patakaran tulad ng ginagawa sa Cebu City na maraming pulis at sundalo ang nagbabantay upang ipatupad ang mga COVID-19 protocols.

“Kung hindi naman nakikisama ang mga mamamayan, teka muna, magkahigpitan na tayo dito. Kahit na harsh ang batas, kailangan ipatupad lalong lalo na kung ang mga prinoproteksyonan ay buhay ng mga tao,” aniya.

Imahe mula sa Remate

Maraming netizens ang umalma sa mungkahi ni Usec. Diño, pero suportado ni Prof. Guido David ng UP OCTA Research Group ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran.

Inihalimbawa ng professor ang nangyayari sa Cebu City. Aniya, dahil naghigpit doon ay nagsisimula nang mag-flatten ang curve ng COVID-19 cases doon. Posible rin umano itong mangyari sa Metro Manila kung lilimitahan ang galaw ng mga tao.

Source :

ABS-CBN, MSN

Loading…