MIAA ipinauubaya na sa Kongreso kung papalitan ng pangalan ang NAIA

Imahe mula sa Wikipedia
  • Ipinauubaya na ng MIAA ang desisyon sa Kongreso kung papalitan ng pangalan ang NAIA
  • Handa naman daw silang tanggapin anuman ang plano ng mga mambabatas dito
  • Inihain ni Rep. Paolo Duterte ang nabanggit na panukala noong Hunyo

Ipinauubaya na ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa kapangyarihan ng mga mambabatas ang desisyon kung papalitan man o hindi ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Sa ginawang Laging Handa virtual briefing nitong Lunes, sinabi ni MIAA general manager Eddie Monreal na handa silang tanggapin anuman ang maging desisyon ng Kongreso sa usapin.

MIAA Gen. Mgr. Ed Monreal| Imahe mula sa Facebook-MIAA

“‘Yan po siguro, puwede nating ipagpaubaya na lang sa ating mga mambabatas dahil sila ang may karapatan at katungkulan para i-suggest kung anuman ang panibagong pangalan ng ating paliparan,” paliwanag ni Monreal.

Magugunitang naghain ng panukala si Davao Rep. Paolo Duterte na naglalayong palitan ang pangalan ng NAIA at gawin itong “Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas.”

“Kami ay tutugon kung ano ang magiging desisyon ng mababang kapulungan o kaya kung ano pang mga ahensya na dapat sila ang magpapatupad muna,” wika pa ni Monreal.

Ang panukalang batas ni Rep. Duterte ay inihain sa ilalim ng House Bill No. 7031 at co-author niya dito sina Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco at ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap.

Napapanahon ba? Netizens naglabas ng saloobin sa pagpapalit ng pangalan ng NAIA

“With the proposed name, the airport will be easily identified as the international doorway of the country, in view of it being in Filipino language and branding it as the international airport of the Philippines,” ayon sa explanatory note nito.

Hati naman ang naging pagtanggap ng mga Pilipino sa nasabing panukala.

Imahe mula sa Facebook

Karamihan sa sang-ayon ay nagsasabing panahon na para palitan ang pangalan ng NAIA dahil hindi naman umano ito pag-aari ng pamilya Aquino. Ang NAIA ay isinunod kay dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr.

Ang ilan naman ay nais ibalik na  lang ang dating pangalan nito na Manila International Airport o MIA.

Ang NAIA ay ipinangalan noong 1987 kay dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr. matapos maupo sa puwesto bilang Pangulo ang kaniyang biyuda na si Cory Aquino kapalit ng napatalsik na si Ferdinand Marcos.

Loading…