Milk tea shop owner, may matamis na mensahe sa mga negosyanteng tulad niya sa panahon ng pandemya

  • May mensahe ang isang milk tea shop owner para sa mga kapwa niya negosyanteng naapektuhan ng mga community quarantines
  • Aniya, patuloy lamang na magtiwala sa sarili at huwag susukuan ang negosyo
  • Bagama’t mahirap ang pagnenegosyo, magiging madali lamang ito kung mamahalin mo ang ginagawa mo

Sadyang marami ang lubusang naapektuhan ng pananalasa ng COVID-19 lalo na ang mga maliliit na negosyo. Habang unti-unting lumuluwag ang panuntunan ng pamahalaan hinggil sa mga community quarantines, sinisikap na rin ng mga negosyo na unti-unting bumalik sa sirkulasyon at makipagsabayan sa “Bagong Normal.”

Kaya naman, isang milk tea shop owner ang nagbahagi ng kaniyang realisasyon, karanasan at mensahe para sa kaniyang mga kapwa-negosyante na muling bumabangon at “sumusugal” sa panahon ng pandemya. Ibinahagi ito sa Facebook post ng netizen na si “Winna Gaspar,” isa sa mga may-ari ng “Teabuck Milk Tea PH.”

Imahe mula sa Facebook account ni Winna Gaspar

“ISANG TAON NA! KAMPAY PARA SA MARAMI PANG TAON Teabuck Milk Tea PH AT SA MARAMI PANG BRANCHES. Krystar, beshy push pa natin ‘to!” panimula sa post ng netizen.

Ayon sa kaniyang salaysay, hindi niya inasahang papatok ang kanilang negosyong milk tea na nagsimula lamang sa maliit na cart, na di-kalaunan ay naging ganap na milk tea shop. Aminadong hindi pa gaanong kalawak ang nalalaman sa pagnenegosyo, sinubukan pa rin nila ng kaniyang kaibigang kasosyo kahit na iba ang linya ng kanilang trabaho at propesyon.

“Ano ba alam namin ni beshy sa business? Teacher ako tapos siya IT. Ang layo sa course and work namin. Pero sinubukan namin mag-business. Mahirap sa umpisa, maraming need i-sacrifice, maraming kailangang aralin, maraming kailangang pakisamahan. Mula sa mga crew hanggang sa mga suppliers,” pagbabahagi niya.

Mas lalo silang nakaranas ng mga hamon nang dumating ang pandemya ng COVID-19. Ipinatupad ang mga health protocols kagaya ng ECQ, MECQ, at GCQ. Napilitan silang pansamantalang magsara bilang pagtalima sa kautusan. Lahat ay naapektuhan. Subalit minabuti nilang huwag sumuko: minabuti nilang ilaan ang panahon sa pagpaplano, pag-iisip at paggawa ng mga bagong flavors na maaaring ilabas at papatok sa mga customers.

Imahe mula sa Facebook account ni Winna Gaspar

“Mahirap mag-business guys, marami kang luhang ilalabas, maraming perang dadaan sa kamay. Pero kung masaya ka sa ginagawa mo at kung mahal mo ang business mo, hindi ka basta-basta babagsak. Kaya sa mga nagbi-business diyan at nawawalan na ng pag-asa lalo na sa pandemic na ito, tiwala lang!” paalala ng milk tea shop owner na isa ring guro sa pampublikong paaralan, at hinirang na “Ulirang Guro sa Filipino” ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2017.

Bukod sa masasarap na flavor ng kanilang mga milk tea, kapansin-pansin din ang nakatutuwang pangalan ng kanilang mga milk tea na pumupukaw sa interes at kiliti ng mga customers, kagaya ng funtea, manyak (mango Yakult), choco egg balls, at marami pang iba. Paalala niya: nakakatawa man, pero ito ay ginawa mula sa pagmamahal.

“Pagtiwalaan mo ang sarili mo na kakayanin mo, tulad namin ng bestfriend ko. Mula sa pangarap, naging maliit na cart at ngayon may store na. At hindi lang isa, nadagdagan pa ng isa pang branch! Hanggang sa susunod pang mga taon, Teabuck Milk Tea PH!” saad sa panghuling talata.

Imahe mula sa Facebook account ni Winna Gaspar

Sa ngayon ay tumatanggap na sila ng mga nagnanais na bumili ng kanilang franchise. Balik-operasyon na rin sila matapos ang ilang buwan, at tumatanggap na rin ng mga nagnanais na magpa-deliver.

Source :

Facebook

Loading…