Miyembro ng Manobo tribe, isa nang ganap na doktor sa kabila ng mga pangungutyang dinanas

Imahe mula sa Facebook account ni Joeffrey Mambucon
  • Isang miyembro ng Tigwahanon Manobo tribe ang nakapagtapos sa DLSU bilang isang doktor
  • Si Joeffrey Mambucon ay isa nang ganap na registered nurse bago kumuha ng kursong medisina
  • Siya ang kauna-unahang doktor sa kanilang tribo
  • Kapupulutan ng aral at inspirasyon ang ipinakita niyang pagpupursigi na maabot ang mga pinapangarap

“Palawakin ang kaisipan, mangarap ng matayog at humingi ng kalakasan kay Magbabaya (Diyos).” Ito ang mensahe ni Joeffrey Mambucon sa kanyang mga katribo.

Imahe mula sa News5

Si Mambucon ang kauna-unahang miyembro ng Tigwahanon Manobo tribe sa Bukidnon na nagtapos ng pagka-doktor.

Sa kabila ng mga mapapait na karanasan at mga pangungutyang natanggap mula pagkabata dahil sa pagiging isang lumad ay napagtagumpayan niya na maabot ang mga pinapangarap.

Kamakailan lang, isa siya sa mga nagsipagtapos ng medisina sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute sa Dasmariñas, Cavite. Online ang isinagawang graduation noong June 30, 2020.

Ang mga negatibo at masasakit aa salita na ipinukol sa kanya ay ginawa niyang inspirasyon upang magtagumpay at maipakita sa lahat na ang mga tulad niya ay may maaabot.

Ang 31-anyos na si Mambucon ay isa nang ganap na nurse bago siya kumuha ng kursong medisina. Ang mga doktor sa pinapasukang ospital ang nag-udyok sa kanya na maging isang manggagamot dahil karamihan naman daw sa kanilang pasyente ay miyembro ng tribo niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Joeffrey Mambucon

Aniya, nakita niya ang pangangailangan na magkaroon ng isang doktor sa kanilang komunidad kung saan umaabot ng hanggang 90 porsyento ang nagkakasakit.

Ilang kaibigan niya, pati na ang dating Education Secretary na si Jesli Lapus, ang tumulong na maipakilala siya sa La Sallian Brothers.

Sa ngayon ay naghihintay na lang si Mambucon sa pagsisimula niya ng isang taong post-graduate internship sa DLSU-Medical Center na magsisimula sa darating na buwan ng Agosto. Sabi niya ay nais niyang maging bahagi ng Doctors to the Barrios program upang makapagsilbi sa kanilang komunidad.

Imahe mula sa Facebook account ni Joeffrey Mambucon

“Plano ko pong mag-join as one of our Doctors to the Barrio para po maka-serve po sa remote areas sa bansa natin na may mga Lumad po,” aniya.

Mababasa sa kanyang Facebook account ang kuwento ng determinasyon at tagumpay ni Joeffrey Mabucon.

Loading…