Muling balikan: May-ari ng lugawan, nasaksihan ang kabutihan ng mga bata

  • Nagdulot ng inspirasyon ang 2018 trending Facebook post hinggil sa magbabarkadang mga bata na kumakain ng lugaw
  • Wala kasing pera ang isa nilang kaibigan, kaya napagpasyahan ng dalawa sa kanila na ilibre na lamang ito
  • Makalipas ang halos dalawang taon ay pinag-uusapan pa rin ito, na akmang-akma at nararanasan ngayon sa panahon ng pandemya — ang pagdadamayan

Sabi nga, nagsisilbing huwaran o modelo ng mga bata ang mga nakatatanda kaya kailangang pakitaan sila ng kagandahang-asal upang pamarisan o tularan. Subalit minsan, baliktad ang sitwasyon; ang nakatatanda ang natututo mula sa mga bata.

Tulad na lamang ng nasaksihan ng isang may-ari ng lugawan na ibinahagi niya sa opisyal na Facebook page ng kaniyang negosyo na “Garage AMS Tapsihan Lugawan” at naging trending noon pang 2018, subalit muling pinag-usapan ngayong 2020 dahil sa “act of kindness” at inspirasyong dulot ng grupo ng mga bata.

Ibinahagi niya ang kuwento sa pamamagitan ng dayalogo.

Imahe mula sa Facebook page na Garage AMS Tapsihan Lugawan / Public Domain Image

Dumating umano sa kaniyang lugawan ang anim na batang magkakaibigan. Tinanong umano siya kung magkano ang isang mangkok ng lugaw, na sinagot naman niya ng 10 piso. Agad namang nag-abot ng kaniya-kaniyang 10 piso ang mga bata upang makakain ng lugaw, maliban sa isa na walang dalang pera.

Upang makakain din ang isa nilang kaibigan, naghati ang una at ikatlong bata sa pag-abono para sa lugaw ng kanilang kaibigan. Bumalik pa ang ikatlong bata sa kanilang bahay para kunin ang kaniyang 5 piso. Pagbalik nito, lahat sila ay nakakain ng lugaw!

Nakiusap pa sila sa may-ari ng lugawan na kuhanan sila ng larawan gamit ang cellphone dahil wala sila nito. Labis na nabagbag ang damdamin ng may-ari ng lugawan sa kaniyang nasaksihan.

Narito ang ilan sa mga komento ng mga netizens.

“Sana lumaki kayong mabuti at maabot mga pangarap ninyo. This picture will be treasured forever!” turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Heto ang tunay na pag-asa ng bayan, mga ganyang kabataan huwag lang ma-bad influence ng iba, gaya ng iba ay snatcher na. Pagpalain sana kayo ng Panginoon!”

“Mga panahong hindi pa uso ang problema. Puro lang kasiyahan. Walang bakas ng lungkot sa mukha. Nakaka-miss,” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page na Garage AMS Tapsihan Lugawan / Public Domain Image

Kumusta na nga kaya ang mga batang ito makalipas ang halos dalawang taon?

Loading…