Nabagot, nagnegosyo, kumita: Apat na High School students patok ang online ukay-ukay

Screenshot mula sa 24 Oras video
  • Apat na magkakaibigang high school students nakahanap ng sagot sa kanilang pagkabagot sa quarantine
  • Sa halip na sayangin ang oras sa social media, ginamit nila ito para kumita
  • Nag-ambag-ambag ng puhunan ang magkakaibigan upang simulan ang kanilang online ukay-ukay

Maraming kabataan ang nababagot na sa takbo ng araw-araw nilang pamumuhay dahil sa ipinatutupad na quarantine. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin pinapayagang lumabas ang mga may edad 21 pababa, maliban na lang kung importante ang gagawin sa labas ng tahanan.

Imahe mula sa Philippine News

Marami sa kanila ang inuubos ang maghapon sa pagpo-post at pagbabasa ng mga kaganapan sa pamamagitan ng social media.

May ilan din namang nakahanap ng mas makabuluhang bagay na magagawa habang gumagamit ng internet tulad ng apat na high school students na matalik na magkakaibigan. Nagnegosyo sila habang wala pang pasok sa eskwela.

Dahil pare-parehong mahihilig sa damit, online ukay-ukay ang negosyong pinasok ng magkakaibigang sina Jamie Mendoza, Mikyla Calora, Kristine Templaza at Alyana Soriano.

Si Jamie ang unang nakaisip na magnegosyo at hinikayat niya ang tatlong kaibigan na agad namang pumayag sa ideya niya na hindi maikakaila na isang magandang sagot sa kanilang pagkabagot. Kaysa mag-scroll nang mag-scroll sa internet ay sinubukan nilang magbenta online.

“Pakiramdam ko po na nasasayang po ‘yung oras na habang nag-i-scroll ako. Bakit hindi ako magbenta online? Kaya naisip ko pong mag-aya po sa kanila kasi wala rin naman po silang ginagawa,” lahad ni Jamie.

Screenshot mula sa 24 Oras video

Swak naman para kay Mikyla ang pinasok nilang negosyo dahil hilig niya ang mag-design at mag-drawing ng mga damit.

Plano naman ni Kristine na ipunin ang anumang kikitain niya sa ukay-ukay upang magamit sa pagkokolehiyo sa hinaharap at bilang panustos sa senior high school sa kasalukuyan. Incoming Grade 11 ang magkakaibigan.

Imino-model naman ni Alyana ang paninda nilang mga damit upang makita raw nang maayos ng mga online customers.

Sa murang edad ng magkakaibigan ay natutunan na nila kung paano kumita pera. Anila, hindi pala ganoon kadali magnegosyo. Pero mahirap man, hindi raw sila susuko hanggang sa mapalago na nila ang munting pinagkakitaan.

Source :

YouTube

Loading…