Nanay kinatakutan ng mga anak dahil sa beauty mask

  • “Kinatakutan” ng mga anak ang kanilang nanay na nakahiga sa kanilang silid-tulugan
  • Naglagay kasi ng beauty mask ang ginang na inakala ng mga anak na “multo”
  • Umani naman ito ng nakatutuwang reaksyon mula sa mga netizens

Ang paglalagay ng beauty mask o face cream tuwing gabi ay isa sa mga “regimen” ng mga babae, partikular na ang mga nanay, upang mapanatiling maganda at kaakit-akit kahit “nagkakaedad” na.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang larawan ng isang nanay na “kinatakutan” ng kaniyang mga anak na maliliit pa dahil sa nakalagay na puting beauty mask sa kaniyang mukha. Ibinahagi ito sa Facebook post ni “Jewel Yesha Jiminez.  Oo nga naman, kapag kasi madilim na at nakapatay na ang mga ilaw sa bahay, magmumukhang “mumu” si Nanay!

Imahe mula sa Facebook account ni Jewel Jimenez

Ayon sa kaniyang caption, “Gusto ko lang naman mag-beauty rest, bakit kayo ganiyan?” Inilakip niya ang mga larawan niya kasama ang dalawang maliliit na anak, na tila pumapalahaw ng iyak nang makita ang kaniyang mukhang may beauty mask habang siya ay nakahiga. Halos umabot ng 54,000 reactions at 49,000 shares ang naturang post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hahaha. Ganiyan din ako eh. Kaya hindi na ako lumalabas ng kuwarto kapag may ganiyan na. Hindi naman bata ang iniisip ko, yung lola namin. Baka makita ako at atakihin pa hahaha,” sabi ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Relate-much ako diyan. Minsan nga itim pa ang kulay ng face mask ko.”

“Naku mommy, huwag mo hahayaang maramdaman nila agad ng mga anak mo yung takot. Iproseso mo sa kanila iyan baka lumaki silang duwag, o baka makaapekto sa kanilang paglaki,” payo naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Jewel Jimenez

Mahalaga ang pag-aalaga ng mukha dahil ito ang unang nakikita o nasisilayan ng tao. Kaya naman, mahalaga ring matiyak na magiging maayos at garantisadong mabisa ang gagamiting mga produkto upang maiwasan ng mga problema sa balat kagaya ng tigyawat, acne, at iba pang break outs.

Para matiyak na magiging maganda ang resulta ng inyong pagpapaganda, makabubuting kumonsulta muna sa dermatologist upang masuri ang inyong skin type at beauty products na babagay sa iyo.

Kung nagtitipid naman, ang simpleng paghuhugas o paghihilamos lamang ng mukha pagkagising sa umaga at bago matulog sa gabi ang pinakamabisang paraan upang maging kaaya-aya ang awra ng mukha, bukod pa sa pag-inom ng maraming tubig, pagkain ng masusustansiyang pagkain, at pag-iwas sa pagpupuyat.

Loading…