Netizen nanawagan ng tulong para sa isang tatay na humihingi ng saklolo gamit ang karatula

  • Nanawagan ng tulong ang isang tatay na may anim na anak at misis na PWD
  • Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pag-upo sa tabi ng lansangan sa Libis, Quezon City habang tangan ang isang karatula
  • Isang concerned netizens naman ang nagpaabot ng tulong para sa kaniya

Wala yatang sektor ng lipunan sa lahat ng panig ng daigdig ang hindi naapektuhan ng bagsik ng COVID-19. Ang mas nakapanlulumo, lubos na naapektuhan ng community quarantines o lockdown ang mga karaniwang mamamayang umaasa lamang sa kanilang kita o suweldo sa kanilang mga trabaho. Muli na namang nasubok ang isa sa mga katangian ng mga Pilipino—ang pagiging matatag at mapamaraan.

Subalit may hangganan din ang lahat. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makapagtitiis sa hirap, lalo na kung pamilya na ang pag-uusapan. Iyan ang ibinahagi ng netizen na si “Bombee Duerme” matapos niyang ibahagi sa Facebook post ang naispatang tatay na may hawak na karatula sa isa sa mga lansangan sa Libis, Quezon City.

Imahe mula sa Facebook account ni Bombee Duerme

“Baka sakaling madaanan ninyo po si Mang Efren sa may Libis. Tulong-tulong na lang tayo,” ayon sa caption ng post.

Nakilala ang tatay na si Mang Efren na may tangang karatula na siya mismo ang sumulat. Humihingi siya ng tulong at saklolo para sa kaniyang anim na anak at misis na PWD o person with disability. Mahigit tatlong buwan na umano siyang walang trabaho dahil nga sa ECQ. Upang mapakain ang kaniyang pamilya, nagbenta na umano siya ng mga gamit upang matustusan lamang ang pang-araw-araw nilang pagkain.

“Kaunting tulong lamang po, pambili ng pagkain ng aking pamilya,” saad sa karatula ni Mang Efren.

Nakapukaw ito sa atensyon at nakaantig sa damdamin ng maraming mga netizens. Marami sa kanila ang nagpahayag ng pagnanais na makatulong. Isa na rito ang netizen na nagngangalang “Fhelma Pajarillo” kung saan hindi nagpatumpik-tumpik na hanapin si Mang Efren at abutan ng kaunting tulong para sa pamilya nito.

Salaysay ni Fhelma sa kaniyang Facebook post, “Finally! Kahit ginabi na kami tuloy pa rin. Grabe natatameme ako habang nagkukuwento si Tatay Efren. Pinipigilan kong hindi umiyak, iyong puso ko parang kinukurot biruin ninyo anim sila tapos yung tulugan nila sobrang liit.”

Imahe mula sa Facebook account ni Fhelma Pajarillo

Dagdag pa niya, “Opo nag-uupa lang sila 2,000 pesos kada buwan. Apat na buwan na siyang hindi nakakabayad ng upa dahil sa COVID-19. Nakaka-sad lang dahil yung asawa nya PWD same din sa isang anak na lalaki yung naka-white sa picture, kaya wala talagang maasahan si Tatay kasi maliliit pa yung ibang mga anak. Basta Tatay pray lang po tayo matatapos din po ito lahat.”

Sa mga nais umanong tumulong, makipag-ugnayan lamang umano kay Fhelma dahil nakuha nito ang contact number ni Mang Efren. Kumakatok tayo sa mga taong may bukas-palad upang tumulong sa kanilang kapwa sa panahon ng labis na pangangailangan.

Loading…