Nostalgia: Nakasali ka na ba noon sa mga “text clan?”

  • Sinariwa ng isang netizen ang paraan ng pakikipagkaibigan at pakikipagbarkadahan noon sa mga estranghero o hindi kakilala sa pamamagitan ng texting gamit ang cellphone
  • Ito ay tinatawag na paglahok sa text groups o text clans
  • Sa madalas na pagkakataon, bagama’t pagkakaibigan, kapatiran, o pagpapalawak ng network ang layunin nito, ito na rin ang nagiging daan upang makilala ng isang tao ang kaniyang magiging kasintahan

Kalikasan ng tao ang pagnanais niyang makipag-usap, makipagtalastasan, makihalubilo, at makipag-ugnayan sa kaniyang kapwa, sa kahit na anong kaparaanan, malayo man ang pagitan. Kaya nga nauso noon ang pakikipagsulatan o pakikipagkilala sa pamamagitan ng panulat o “pen pal,” at nang mauso ang telepono, pumatok ang “phone pal.”

Nang mauso naman ang cellphone at texting, nabuo ang mga tinatawag na “text mates” hanggang sa magkaroon ng mga unlimited texting upang matugunan ang pangangailangang ito ng mga tao.

Dito na umusbong ang pagkakaroon naman ng mga text clans, o samahan ng mga texters na nag-uusap-usap sa pamamagitan ng group text o group message. Iyan ang sinariwa ng isang netizen na nagngangalang “Richard” sa kaniyang Facebook post.

Public Domain Image

“Noong kasagsagan ng unlimited texting, sino sa inyo ang sumali sa “text group/clan”? Lahat ng miyembro ay nakatago sa code name, at kailangang padalhan ang lahat ng group message. Tapos, magtatakda ng mini eye ball at group eye ball ang founder. Ngayon, group chat na ang uso sa mga social media,” ayon sa kaniya.

Tinatawag na “founder” ang tagapagtatag ng mga text clans, at kadalasang may mga text clans na halo-halong lalaki o babae na pawang estranghero o hindi magkakakilala, o kaya naman ay puro lalaki o babae lamang: depende sa uri ng samahan o pagkakaibigang nais buuin. Upang mas maging kapana-panabik, kailangang nakatago sa code name o pseudonym ang mga kasapi nito.

Lahat ng mga kasapi ay kinakailangang magpadala ng group message o pangkalahatang mensahe para sa lahat. Kinakailangan ding dumalo sa dalawang uri ng pagtitipon: ang mini eyeball o MEB at grand eye ball o GEB kung saan nagkikita-kita ang lahat ng kasapi at nabibigyan ng pagkakataong makapag-bonding.

Sa madalas na pagkakataon, bagama’t pagkakaibigan, kapatiran, o pagpapalawak ng network ang layunin nito, ito na rin ang nagiging daan upang makilala ng isang tao ang kaniyang magiging kasintahan. Nang pumatok ang mga social media platforms at pakikipag-chat, nabaling na ang atensyon ng mga tao rito.

Ang text clans, napalitan ng “group chats.”

Public Domain Image

Ikaw, nakasali ka na ba sa text clans? Ano’ng mga pangyayari ang hindi mo makalilimutan dito?

Source :

Facebook

Loading…