OFW na may COVID-19 sinubukang tumakas sa quarantine hotel sa QC

Screenshot mula sa video ng GMA News
  • Isang babaeng OFW ang sinubukang tumakas mula sa quarantine hotel sa Quezon City
  • Buti na lamang at nahuli rin ito matapos ang maikling habulan sa may damuhan
  • Dismayado naman ang mga barangay officials sa lugar sa kanilang natuklasan

Sinubukang tumakas ng isang OFW na COVID-19 positive mula sa isang quarantine hotel sa Quezon City subalit muli itong nahuli ng mga awtoridad.

Ayon sa ulat ng GMA News, nangyari ang insidente nitong nakaraang Linggo sa loob ng isang subdivision sa Greater Lagro. Nagkaroon pa umano ng maikling habulan bago tuluyang nadakip at naibalik sa quarantine facility ang babaeng OFW na hindi na pinangalanan.

Screenshot mula sa video ng GMA News

“Tumakbo siya dito, hinabol siya dito ng mga boy saka ng babae… Nag-stay lang siya do’n sa damuhan hanggang dumating na ‘yong mga pulis may kasamang mga nakasuot ng PPE, kinuha na siya,” kuwento ng homeowners association president na si Raul Sevilla.

Nakumpirmang positibo sa coronavirus ang OFW matapos ang surprise inspection na ginawa ng mga opisyal ng QC sa lugar.

Ang nabanggit na hotel umano ay ginawang isolation facility para sa mga OFW na COVID positive at pinamamahalaan ng Bureau of Quarantine.

Ayon kay Tetta Tirona ng QC Tourism Board, napag-alaman nila na ang babaeng tumakas ay kabilang sa 75 OFW na COVID-positive at asymptomatic na kasalaukuyang nakaquarantine sa hotel.

Screenshot mula sa video ng GMA News

Nagulat umano sila dahil hindi man lang naka-cordon ang lugar at makikita ang mga taong palakad-lakad pa mga 3 metro ang layo mula sa pasukan ng gusali.

Dismayado naman ang mga opisyal ng Barangay Greater Lagro dahil sa kanilang natuklasan.

“Area of responsibility po namin ito at kulang kulang 40,000 na tao ang nasasakupan po natin, so kung magkakaro’n man ng aberya diyan katulad no’ng nangyari na pagtakas takas ng ganiyan, hindi po biro ang pagkontrol ng sakit na ‘to,” ani chairman Leo Garra sa panayam ng GMA.

Humingi naman ng paliwanag mula sa DOH ang lokal na pamahalaan ng QC dahil hindi ipinaalam sa kanila na ginawang quarantine facility ang hotel. Sana daw ay naiwasan ang mga ganitong pangyayari kung nakipag-ugnayan lamang sa kanila ang naturang ahensiya.

Source :

GMA News, Remate

Loading…