
- One-stop-shop center itatayo ng DOLE sa Metro Manila
- Makatutulong ito sa mga mamamayang nawalan ng trabaho, kabilang na ang maraming ABS-CBN employees
- Magkakaroon ng job fair at job referral system sa one-stop-shop center
Magtatayo ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang one-stop-shop center na naglalayong matulungang makapaghanap ng bagong trabaho ang mga mamamayang nawalan ng trabaho, kabilang na ang libo-libong ABS-CBN employees.

Sa isang virtual meeting, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kinumpirma sa kanya ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang planong pagtatayo ng one-stop-shop center sa National Capital Region (NCR) kung saan magkakaroon ng job fair at job referral system.
Maaari umanong mag-apply doon ang mga ABS-CBN employees na nakatakdang mawalan ng trabaho kapag nagpatupad na ng retrenchment ang TV network sa August 31, 2020.
“Magkakaroon po siya ng one-stop shop center para sa NCR, at para sa ABS-CBN, para makapag-apply doon ang mga mare-retrench na empleyado ng ABS-CBN. Magkakaroon din siya ng job referral system, baka magkaroon din po ng job fair. So, lahat yan ay kinumpirma po ni Sec. Bello,” pahayag ni Roque.
Matatandaang noong Miyerkules, ika-15 ng Hulyo, ay sinabi ng ABS-CBN na magbabawas ito ng mga empleyado simula sa August 31 kaugnay ng hindi naaprubahang franchise renewal nito.

Sinabi pa ni Roque na maaari ring makakuha ang mga ABS-CBN employees ng mga benepisyo at suportang ibinibigay ng pamahalaan sa mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay gaya ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program at iba pang livelihood loans.
Kaugnay ng hindi naaprubahang franchise renewal ng ABS-CBN, ipinahayag ni Roque na maganda ang mungkahi ni Rep. Luis Villafuerte Jr. sa ilalim ng House Resolution 1044 na nagrerekomendang pansamantalang gamitin ang TV at radio frequency ng ABS-CBN para sa distance learning.
