Opisyal ng ‘Hatid Tulong’ humingi ng pang-unawa dahil sa nagsiksikang LSI sa Rizal Stadium

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Humingi ng pang-unawa sa publiko ang opisyal ng ‘Hatid Tulong’ dahil sa dumagsang LSI sa Rizal Stadium
  • Kumalat sa social media ang larawang ng siksikang LSI na umani ng batikos sa mga netizen
  • Nagpaliwanag naman si PMS Asst. Sec. Joseph Encabo tungkol dito

Humingi ng pang-unawa sa publiko ang opisyal na namamahala sa programang ‘Hatid Tulong’ ng gobyerno dahil sa nagsiksikang mga locally stranded individual (LSI) sa Rizal Stadium na ikinadismaya ng karamihan.

Nitong nakaraang araw, kumalat sa social media ang mga larawang kuha sa stadium na siksikan at punong-puno ng mga pasaherong naghihintay ng biyahe para makauwi sa kanilang probinsiya.

Imahe mula sa Facebook post ni Marky Eribal

Umani ito ng batikos mula sa mga netizens dahil hindi na umano nasusunod ang social distancing na posibleng magpalala pa sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary Joseph Encabo, tagapamahala ng ‘Hatid Tulong’, ipinatutupad pa rin nila ang mga health protocol at guideline sa kabila ng pagdagsa ng mga tao sa lugar.

Ganunpaman, inamin din ni Encabo na maaaring nakompromiso na nga ang physical distancing dahil na rin sa dami ng LSI na gustong umuwi at makahabol sa biyahe.

“Aware naman po kami sa social distancing issue, pero kailangan po namin mag-decide na papasukin ang mga tao na ito dahil kawawang-kawawa po sila sa kalsada. At sa sobrang dami po nawala na yung social distancing,” paliwanag ni Encabo.

Inatasan na rin umano niya ang technical working group (TWG) ng programa na piliting ipatupad ang social distancing sa anumang paraan.

Asst. Sec. Joseph Encabo| Imahe mula sa PTV-4

“Pero sana po maintindihan po nila na kapag hinayaan lang din natin ang mga tao sa kalsada, walang tamang palikuran, walang tamang lugar ng kainan at kung sila’y uulanin–ganun din ang mangyayari, magkukumpol-kumpol sila sa eskinita at talagang yung relevance rin ng social distancing ay nawawala,” dagdag pa ng opisyal.

Ibinahagi din ni Encabo na nakapagpauwi na sila ng mahigit 3,000 LSI sa Mindanao at nakatakda pa nilang tulungan ang aabot sa 8,000 na LSI pa sa mga darating na araw.

Sa kasalukuyan, tumatanggap din daw sila ng mga walk-in na aplikante subalit kailangan nilang maghintay na maproseso muna ang mga naunang nakarehistro bago sila mabibigyan ng pagkakataon.

Source :

PNA, ABS-CBN News

Loading…