Organic urban farm sa gitna ng lungsod, ibinida ni Mayor Isko Moreno

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Isko Moreno Domagoso
  • Organic urban farm sa gitna ng Lungsod ng Maynila ipinagmalaki ni Mayor Isko Moreno
  • Habang sarado sa publiko ang Manila Zoo, isang bahagi nito ang ginawang taniman ng mga gulay
  • Ang mga dumi ng hayop ang ginagamit na pataba sa mga tanim at ang mga naaning gulay ay pandagdag sa araw-araw na pagkain ng mga alagang hayop

Ibinahagi ni Manila Mayor Isko Moreno ang ginawang urban farm na hindi ginagamitan ng synthetic fertilizer sa pusod ng Lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Sa kanyang Facebook post noong July 5, sinabi ni Mayor Isko na ang isang bahagi ng Manila Zoo ay pansamantalang ginawang taniman ng sari-saring mga gulay habang nananatiling sarado sa publiko ang popular na pasyalan.

Aniya, ang horseback riding area ay tinaniman ng mga masisipag na kawani ng Public Recreations Bureau (PRB).

“Pansamantala pong ginawang organic urban farm ng mga masisipag na kawani ng Public Recreations Bureau ang horseback riding area ng Manila Zoo habang sarado ito sa publiko,” saad ng alkalde sa Facebook post niya.

Ang dumi ng mga hayop na naroroon ay ginagawang pataba sa mga tanim at ang mga gulay naman na naani ay isinasama sa pang-araw-araw na pagkain ng mga hayop. Ito umano ang isang maliit nilang kaparaanan upang maging sustainable ang Manila Zoo.

“Sa maliit naming kaparaanan ay nais po namin na maging sustainable ang ating zoo kung kaya’t ginagawang pataba o fertilizer ang mga dumi ng hayop at ang mga gulay na naani naman ay pandagdag sa araw-araw na pagkain ng ating mga alagang hayop,” ani Mayor Isko.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Malugod na pinasalamatan ni Mayor Isko ang mga kawani ng PRB na pinangungunahan ni Director Pio Morabe sa ipinakita nilang dedikasyon sa pag-aaruga sa mga alagang hayop sa Manila Zoo.

Posibleng sa taong 2022 pa muling bubuksan sa publiko ang Manila Zoo dahil sa pinaplanong major rehabilitation nito.

Imahe mula sa Remate
Source :

Facebook, Remate

Loading…