Ospital sa Bohol isinara matapos magsinungaling ang nanay ng batang na-expose sa COVID-19

Imahe mul sa Bohol Chronicle
  • Pansamantalang nagsara ng isang ospital sa Tagbilaran, Bohol matapos magsinungaling ang isang nanay
  • Na-expose pala ang kaniyang pasyenteng anak sa kapatid nito na COVID-positive
  • Naka-quarantine na ang mga empleyado ng ospital na na-expose sa pasyente

Pansamantalang isinara ang isang pagamutan sa Tagbilaran, Bohol matapos umanong hindi sabihin ng isang nanay na na-expose ang kaniyang anak sa isang COVID-positive. Ang bata ay na-admit sa ospital bilang pasyente noong Lunes, ika-19 ng Hulyo.

Kaagad namang itinigil ang operasyon ng Tagbilaran Maternity and Children’s Hospital (TMCH) matapos malamang nagsinungaling ang babae tungkol sa isa pa niyang anak na nagpositibo sa coronavirus.

Imahe mula sa Place Digger

Ang pasyente ay isang 5-anyos na batang lalaki na na-expose sa kaniyang 13-anyos na kapatid na COVID-positive.

“The mother claimed they did not come in contact with someone who is currently a suspected case, positive case for COVID-19 or someone who has recent travel history,” ani TMCH medical director Dr. Lester Balagonsa.

Napag-alaman din na ang isa pang pinsan ng mga bata ay nagpositibo rin sa COVID-19 kaya isinailalim sa home quarantine ang buong pamilya nito.

Mga empleyado, naka-quarantine na

Ayon kay Dr. Balagonsa, kaagad niyang ipinag-utos ang malawakang disinfection sa ospital dahil sa pangyayari.

Itinakbo umano sa TMCH ng nanay ang kaniyang anak dahil sa mataas na lagnat at pagsusuka. Matapos ang inisyal na pagsusuri, ipinasok ang pasyente sa emergency room dahil sa inaakalang dengue at ‘warning signs’.

Imahe mula sa Twitter

Kasama ng pasyente sa kuwarto ang isa pang bata na may kaparehong sintomas, ayon sa ulat. Isinailalim na sa quarantine ang mga empleyado ng ospital na naka-duty nang ma-admit ang bata.

Samantala, may ilang empleyado na nakauwi na sa kani-kanilang pamilya bago pa man matuklasan ang pangyayari. Ipinaalam na umano ito sa lokal na awtoridad at ngayon ay naka-quarantine na rin ang mga ito.

Mananatiling sarado ang pagamutan habang hindi pa lumalabas na negatibo ang resulta ng test sa nasabing pasyente.

Nakiusap naman ang pamunuan ng TMCH sa publiko na huwag magsinungaling upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng iba.

Loading…