P13-B na pondo ng AFP modernization program, ginamit muna sa COVID-19

Imahe mula sa PH Navy-Facebook
  • Nagamit muna ang pondo ng AFP modernization program para sa paglaban sa COVID-19
  • Aabot na umano sa P13-B ang pondong nagamit ng pamahalaan mula sa programa
  • Ilang malalaking proyekto ang pansamantalang natigil dahil dito, ayon sa isang opisyal

Pansamantalang ititigil muna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbili ng mga makabagong kagamitan at teknolohiya matapos magamit ang pondo para rito sa pagsugpo sa kasalukuyang pandemiya.

Ito ang inamin ng Department of National Defense (DND) sa panayam ng Onenews.ph kamakailan.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, aabot na sa P13-B ang nagamit na pondo mula sa AFP modernization program upang ipantustos ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.

Imahe mula sa DND Facebook

“The COVID-19 pandemic is now occupying most of our time,” wika ng kalihim. “We are lucky that we have not had any disasters, no typhoons yet, no earthquake, whatever, and hopefully, before calamities come and visit us, we will be able to fight this pandemic.”

Hindi naman binanggit pa ni Lorenzana kung alin sa mga proyekto mula sa P300-B na pondo ng programa sa loob ng 15 taon ang pansamatalang nahinto.

Sa naunang panayam kay Defense spokesman Arsenio Andolong, sinabi ng opisyal na siyam na malalaking modernization project na para sana pagtatanggol ng ating teritoryo sa West Philippine Sea ang hindi muna matutuloy.

“What’s left in our budget are funds for projects which are in the advanced stages of procurement. The entire modernization program has also been set back by three to five years,” anang opisyal.

Imahe mula sa PH Navy – Facebook

Inamin din ni Andolong na nagpasiya ang Defense department na ilaan muna ang P17.4-B na pondo para sa pandemiya ayon na rin sa utos ng Pangulo kay Finance Secretary Sonny Dominguez na maghanap ng mapagkukunan ng pera sa panahong ito.

“It was pushed back, we are hoping to complete them sometime, later on,” paliwanag ni Andolong sa siyam na proyektong natigil. “These items are mostly related to territorial defense.”

Ang AFP modernization program ay sinimulan ni Pangulong Fidel Ramos na mayroong P5-B budget kada taon. Ipinagpatuloy ito ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na naglaan naman ng P10-B budget kada taon.

Loading…