Paggamit ng satellite sa halip na internet sa blended learning iminungkahi ni Chavit Singson

Screenshot mula sa PTV video
  • Iminungkahi ni Mayor Chavit Singson ang paggamit ng satellite imbes na internet sa blended learning ng DepEd
  • Nasubukan na ni Singson ang teknolohiya sa mga lugar sa Ilocos Sur na walang signal
  • Nagustuhan umano ng mga guro ang paggamit ng satellite

Iminumungkahi ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson ang paggamit ng satellite para sa blended learning strategy ng Department of Education (DepEd) sa paghahatid ng edukasyon sa mga mag-aaral sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Screenshot mula sa PTV video

Sa blended learning ay gagamit ng broadcast media (TV, radio), internet at printed learning materials

Ayon kay Mayor Singson, hindi na kailangang magpakabit ng magastos na internet lalo na sa mga malalayong lugar na walang signal na nasasagap para sa online connectivity.

“Makatutulong po kami sa buong Pilipinas – iyong mga walang wifi, walang signal – makakapaglatag kami kaagad ng mga satellites to the remotest area,” anang alakalde.

Aniya, sa paggamit ng satellite ay hindi na kailangang bumili ang mga guro at mag-aaral ng mamahaling gadgets tulad ng laptop, iPad at personal computer dahil maaaring mapanood ang leksyon sa telebisyon.

“Ang technology, ang system, ako magpro-provide lahat; ang content, bahala na po ang mga teachers kung anong gustong ipalabas, iyon lang ang ipalalabas. At very successful ang ginawa sa Narvacan and the province of Ilocos Sur, so we are ready for that,” wika ni Mayor Singson.

Screenshot mula sa PTV video

Ibinahagi niya na sinubukan na nila ang satellite TV sa pinakamalalayong lugar sa Ilocos Sur na walang signal at maganda umano ang resulta na nagustuhan ng mga guro.

“Tinesting namin sa provincial, to the farthest town, remote area walang signal, walang wi-fi naglagay lang kami ng satellite very successful. Napakinggan ng mga division superintendent at lahat ng mga teacher nagustuhan nila. Gusto nilang gamitin region wide pero ‘ka ko ipaalam n’yo muna kay Secretary Briones para alam niya ang programang ito,” aniya.

Screenshot mula sa PTV video

Sinabi ng alkalde na nakipag-partner siya sa isang telecommunications company para sa satellite tv project sa kanyang nasasakupan. Nais raw niyang makipagpulong kay DepEd Sec. Leonor Briones upang imungkahi ang paggamit ng nabanggit na teknolohiya.

Nilinaw niya na hindi sila nagnenegosyo; bagkus ay nais lang nilang makatulong sa bansa.

Source :

ABS-CBN, Facebook

Loading…