Pagpapatupad ng health protocol sa NCR paiigtingin; parusa taasan din

Imahe mula sa MMDA Facebook
  • Paiigtingin umano ang implementasyon ng health protocol sa NCR
  • Maaaring taasan din ang parusa sa mga lalabag sa protocol, ayon sa MMDA
  • Kamakailan ay inilunsad din ng DOH ang kampanyang “BIDA Solusyon sa COVID-19”

Pag-iibayuhin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon ng health protocol sa Kamaynilaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus sa bansa.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, nagkaroon ng meeting ang kanilang ahensiya kasama ang Metro Manila Council (MMC) at dito’y napag-usapan nila ang nasabing bagay kabilang na ang posibleng pagpapataw ng mas mataas na parusa sa mga lalabag.

Garcia| Imahe mula sa MMDA facebook

“Nagkaroon po kami ng  mga pagpupulong ng ating mga mayors na lalakasan pa ‘yung ordinansa sa mga hindi sumusunod sa mga health protocol like wearing of face masks, ‘yung physical distancing,” pahayag ni Garcia sa isang panayam sa DZBB.

“Medyo paiigtingin natin ‘yan. Patataasin po ‘yung penalties,” dagdag pa ng opisyal.

BIDA Solusyon sa COVID-19

Samantala, inilunsad din ng Department of Health (DOH) kamakailan ang programa nitong “BIDA Solusyon sa COVID-19” para paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa coronavirus.

Imahe mula sa BIDA Solusyon Facebook

Layunin ng programa na himukin ang mga tao na magkaroon ng mas aktibong papel sa kampanya ng gobyerno kontra COVID-19 sa pamamagitan ng mga gawaing pinaloob sa apat na letra:

B – Bawal walang mask

I – I-sanitize ang mga kamay, iwas-hawak sa mga bagay

D – Dumitansya ng isang metro

A – Alamin ang totoong impormasyon

Ang naturang kampanya ay sa pakikipagtulungan ng Interagency Task Force for Emerging Infectious Disease (IATF-EID) at ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Sa pinakahuling tala ng DOH nitong Hulyo 11, pumalo na sa 54,222 ang kaso ng COVID-19 sa bansa; 1,372 rito ay sinawimpalad habang 14,037 naman ang gumaling sa sakit.

Source :

GMA News, DOH

Loading…