Pagsalok ng tubig sa balon, ginagawa pa ba sa kasalukuyang panahon?

  • Nanariwa sa mga netizens ang paggamit ng balon o water wells
  • Mahalaga ang mga balon noong unang panahon sapagkat ito ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa iba’t ibang mga pamayanan
  • Marami naman ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa pananalok ng tubig sa mga balon noon

Bahagi ng kasaysayan at nakaraan ang paggamit ng mga balon o water well sa Ingles. Halos lahat yata ng bawat lugar noon ay may isa o dalawang balon, na itinuturing na “hiyas” ng mga tao dahil ito ang pangunahing mapagkukunan ng tubig, lalo na sa mga pamayanang malayo sa mga anyong-tubig kagaya ng ilog, sapa, batis, talon, o dagat.

Kaya naman, nanariwa sa mga netizens ang panahong kinakailangan pang sumalok ng tubig sa mga balon, dahil sa Facebook post na makikita sa page na “Memories of Old Manila” na nagpapakita ng larawan ng isang batang babae na may tangang timba at kawayan, na mahihinuhang mag-iigib ng tubig.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila / Public Domain Image

“Noong panahong hindi pa accessible ang tubig sa gripo para sa lahat ng mga kabahayan, kaya’t kailangan mong umigib ng tubig sa poso o balon… madalas mahaba ang pila ng mga balde, at talagang malayo ang pagbubuhatan mo pauwi sa bahay. Kahit antok na antok ka sa umaga gigising ka para may panligo ka bago pumasok sa school. RELATE BA KAYO RITO?” caption ng naturang post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Nakaranas akong umigib sa balon kasi minsan wala kaming tubig mula sa gripo. Naaalala ko pa kung gaano ako nalulula sa balong napakalalim, na takang-taka ako kung paano nito napapanatili ang kalinisan ng tubig, kahit na nakalagay ito sa ilalim ng lupa,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sa poso at sa balon kami noon umiigib, yung kawayan, mahaba at pasan naming magkapatid nasa gitna ang balde. Those were the days, masarap sanang ibalik. Kaya lang masyado na kasing polluted ang kapaligiran natin ngayon so medyo hindi na uubra.”

“Relate ako diyan, maghapon nagbabalagwit ng tubig galing sa tungaan, nagpupuno ng tapayan at dram, sarap balikan yung memories ng kabataan dati,” wika naman ng isa.

Public Domain Image

Ang balon ay hinukay na butas mula sa lupa, na sadyang ginawa upang makaigib o makasalok ng tubig, langis at iba pang mga likido. Noong unang panahon, karaniwang ginagamit ang tubig na nagmumula sa mga balon para pamatid ng uhaw ng tao, alagang hayop,  pandilig sa mga tanim na halaman at bulalak, at ipong tubig sa mga kabahayan. Sa tabi rin nito naglalaba noon ang mga nanay at saksi sa mga past time o kuwentuhan nila.

Ayon sa website na “Total Softwater, “Wells were first dug in the Neolithic era, which was around 7,000 – 10,000 BC. The construction of the first wells appears to have been in farming regions. By the time the use of iron, copper and bronze tools became common, wells had sprung up in most settlements.”

Ayon sa mga archaeologist, ang pinakamatandang balon ay matatagpuan sa Atlit Yam sa bansang Israel.

Loading…