Palasyo dumistansiya sa ‘gapangan’ sa Kamara para pigilan ang ABS-CBN franchise

Imahe mula sa Facebook - HoR
  • Wala umanong kinalaman ang Palasyo sa tangkang pigilan ang pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN
  • Napaulat dati na nagtatambal umano sina Pulong Duterte at ang INC para impluwensiyahan ang boto
  • Malabo umano itong mangyari dahil isa lang si Pulong sa 300 na kongresista

Itinanggi ng Malakanyang ang diumano’y pagtatambal nina Davao Rep. Paolo Duterte at ng Iglesia ni Cristo (INC) para mapigilan ang pagbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN.

Ito ay matapos lumabas sa mga ulat na hiwalay umanong ginagapang ng nakababatang Duterte at ng INC ang mga kongresista na miyembro ng House Legislative Franchises Committee para tuluyan nang maipasara ang Kapamilya network.

Imahe mula sa Facebook

“Naku, wala po kaming nalalaman tungkol diyan. Pero sang-ayon sa Saligang Batas, talagang dapat magmula sa Mababang Kapulungan ang lahat ng prangkisa pagdating po sa negosyong broadcast, at kabahagi naman po si Congressman Pulong Duterte ng Mababang Kapulungan,” ani Presidential Spokerperson Harry Roque sa isang press briefing.

Paliwanag ng tagpagsalita ng Palasyo, malabong maimpluwensiyahan ni Rep. Duterte ang mahigit na 300 na mambabatas ng Mababang Kapulungan.

“Ang Mababang Kapulungan po ay isang collegial body rin, nag-iisa lang po si Congressman Pulong Duterte out of 300 plus congressmen and congresswomen,” ani Roque.

Sa lumabas na mga ulat nitong nagdaang araw, pini-pressure umano ng kampo ni Pulong ang mga mambabatas para bumoto kontra sa franchise renewal ng ABS-CBN, habang ang iba nama’y nagsabing may halo pang pagbabanta.

Ang plano umano ng grupo ay supilin na ang prangkisa sa committee level pa lamang para hindi na ito umabot sa plenaryo.

Imahe mula sa Alan Cayetano website

Itinanggi rin ni Speaker Alan Peter Cayetano na nakatatanggap ng pressure at pagbabanta ang mga kongresista hinggil sa usapin ng prangkisa ng ABS-CBN network.

Tinawag ng Speaker na isa itong pagtatangka ng ilang grupo para maimpluwensiyahan ang boto upang pumabor sa isang  kampo.

“We advise all sides to continue to advocate, but never to engage in black propaganda and fake news,” giit pa ni Cayetano.

Loading…