Palasyo iginagalang ang desisyon ng House panel sa prangkisa ng ABS-CBN

Imahe mula sa Facebook, ABS-CBN
  • Nirerespeto umano ng Malakanyang ang naging desisyon ng House committee
  • Ito raw ay kapangyarihan ng Kamara na kanilang kinikilala
  • Ganito rin ang naging saloobin ni Atty. Salvador Panelo

Iginagalang ng Malakanyang ang naging desisyon ng House Committee on Legislative Franchises na ibasura ang bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Sa isang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi nitong ang pagtanggi ng Kamara na bigyan ng panibagong prangkisa para sa susunod na 25 taon ang network ay hiwalay na kapangyarihan ng Kongreso na kinikilala ng Malakanyang.

Imahe mula sa Facebook ni Atty. Harry Roque

”The Palace has maintained a neutral stance on the issue as it respects the separation of powers between the two co-equal branches of government,” ani Roque.

Nabigo ang network na pag-aari ng pamilya Lopez na i-renew ang kanilang prangkisa matapos ang 70-11 boto na pumapabor sa resolusyon ng technical working group (TWG) na nagbabasura sa aplikasyon ng istasyon.

Giit ni Roque, bagama’t nais rin nilang muling makatrabaho ang ABS-CBN, kailangan nilang irespeto ang desisyon ng House panel na tumuldok sa kapalaran ng network.

“Much as we want to work with the aforesaid media network, we have to abide by the resolution of the House committee,” dagdag na opisyal.

Imahe mula sa Facebook ni Atty. Sal Panelo

Halos ganito rin ang naging saloobin ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na nagsabing hindi puwedeng makialam ang ehekutibo sa trabaho ng lehislatibo dahil pantay at maghiwalay ang kanilang kapangyarihan.

“Both sides of the issues have been heard. We leave it to the collective wisdom of the committee apropos its denial of the renewal of franchise,” pahayag ni Panelo.

Umabot sa 12 ang ginanap na hearing sa Kamara para talakayin ang prangkisa ng ABS-CBN. Isa-isang sinagot ng network ang mga isyu laban sa kanila subalit tila hindi ito naging sapat para sa mayorya ng komite na bumoto nitong Biyernes ng hapon, ika-10 ng Hulyo.

Loading…