Palasyo kumpiyansang ikokonsidera ng Kongreso ang ABS-CBN workers sa franchise decision

Image by Harry Roque via Facebook/Image by ABS-CBN via Facebook
  • Kumpiyansa ang Malakanyang na ikokonsidera ng Kongreso ang kapakanan ng ABS-CBN workers sa franchise decision
  • Nalulungkot umano si Roque na dumating sa punto na magtanggal ng workers ang network
  • Kaya lamang, aniya, hindi maaaring i-rewrite ni Pangulong Duterte ang Saligang Batas para payagan ang broadcast company na magnegosyo kahit walang congressional franchise

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kumpiyansa siyang ikokonsidera ng Kongreso ang kapakanan ng mga manggagawa ng ABS-CBN sa desisyong gagawin kung bibigyan ng panibagong prangkisa ang TV station.

Imahe mula sa PCOO

Wika ni Roque, “Tingnan natin kung ano ang maging desisyon ng Kongreso, pero hindi po natin sila pupuwedeng panghimasukan bagama’t sigurado po ako na iko-consider din ng mga congressmen at ng mga senador ang kapakanan ng mga mawawalan ng trabaho.”

Dagdag ng spokesperson, nalulungkot din umano siya na dumating sa punto na magtanggal ng trabahador ang network lalo na sa panahon ng pandemya.

Kaya lamang, aniya, hindi maaaring i-rewrite ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Saligang Batas at payagang magnegosyo ang broadcast companies na walang congressional franchise.

Nauna nang naiulat na tinatayang 11,000 empleyado ang mawawalan ng trabaho sakaling hindi makakuha ng prangkisa ang ABS-CBN.

Ayon kay ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak, maaaring magsimula na ang pagtanggal nila ng manggagawa sa susunod na buwan dahil sa nalulugi ang kompanya ng P30-milyon hanggang P35-milyon kada araw simula nang ipasara ito noong Mayo.

Suweldo at benepisyo tiniyak ng ABS-CBN na matatanggap pa rin ng employees sa susunod na 3 buwan

Matatandaang tiniyak ng pamunuan ng ABS-CBN noong Mayo na patuloy na makatatanggap ng suweldo at iba pang benepisyo ang mga empleyado nito hanggang Agosto.

Tweet ni Bianca Gonzales

“For the next three months wala pong mawawalan ng trabaho due to retrenchment. Active ang lahat ng benefits, including medical, sa panahon na ito.’ Never been prouder to be a Kapamilya,” nasabi noon ni host and model Bianca Gonzales.

Samantala, patuloy naman ang dasal ng mga empleyado ng ABS-CBN na sana’y mabigyan na ang station ng panibagong prangkisa sa lalong madaling panahon.

Loading…