Palasyo nagpasalamat sa alok na gamitin ang ABS-CBN transmission network para sa online classes

Imahe mula sa ABS-CBN
  • Nagpasalamat ang Palasyo sa alok ng ABS-CBN na gamitin ang kanilang transmission network
  • Inalok rin ng Kapamilya network ang kanilang mga educational programs
  • Hinimok naman ng isang kongresista ang gobyerno na pag-aralan ang naturang alok

Pinasalamatan ng Malakanyang ang ABS-CBN dahil sa alok ng istasyon na gamitin ang kanilang transmission network para sa online learning ng mga estudyante ngayong taon.

Sa inilabas na pahayag ng ABS-CBN noong Lunes, nais umano nilang tulungan ang gobyerno sa pagpapaaral ng mga estudyante sa buong bansa sa kabila ng limitasyong dulot ng pandemiya.

Imahe mula sa ABS-CBN

“Bilang tugon sa programang pang-edukasyon ng pamahalaan sa panahon ng pandemya, inaalok namin ang paggamit ng aming transmission network para sa pagpapalabas ng educational programs sa buong bansa,” anang ABS-CBN.

Bukod dito, inaalok din ng network ang lahat ng kanilang educational programs na nagawa sa nakalipas na mahigit 20 taon.

Bilang tugon, nagpahatid ng pasasalamat ang Palasyo sa alok ng Kapamilya network.

“Kung gobyerno po ang gagamit, salamat po at baka naman pupuwedeng gamitin iyong transmission at iyong mga materyales ng ABS-CBN,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Samantala, hinimok naman ni Rep. LRay Villafuerte ang pamahalaan na pag-aralan ang alok ng ABS-CBN dahil malaking bagay umano ang malayong naaabot ng mga istasyon ng pamilya Lopez na mahalaga sa ikinakasang online learning ng mga estudyante.

Imahe mula sa Facebook ni Rep. LRay Villafuerte

“The new inter-agency panel announced by President Duterte in his 5th SONA should explore ABS-CBN’s offer, given that the network’s extensive nationwide reach on the back of its television and radio facilities across the country would give a big boost to the Chief Executive’s push for e-learning or distance education in lieu of face-to-face classroom teaching until such time that a vaccine or cure for COVID-19 has been developed and is available to the public,” anang kongresista sa isang pahayag.

Si Villafuerte ang isa sa mga 70 mambabatas na nagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN at siya ring nagmungkahi dati na gamitin ng pamahalaan ang TV at radio frequency ng network para sa distance learning.

Loading…