Pamilya ng mga yumaong OFW dahil sa COVID-19, makatatanggap ng 900K

Imahe via Facebook DOLE
  • Naulilang pamilya ng mga OFW makatatanggap ng hanggang 900K
  • Ang nabanggit na halaga ay mula sa kanilang insurance benefits mula sa OWWA
  • Maaantala naman ang pag-uwi sa labi ng mga namayapang OFWs

Makatatanggap ng hanggang sa P900,000 ang naulilang pamilya ng mga OFW na sinawim-palad sa COVID-19; ito ang siniguro ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III.

Sa panayam kay Bello ng DZMM, sinabi nitong ang nasabing halaga ay mula sa insurance at hindi pa kasama dito ang burial benefits mula sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Imahe via Facebook DOLE

“They are entitled to bereavement benefits at tsaka itong insurance,” paliwanag ng kalihim. “Medyo malaki-laki ang insurance dahil hindi natural death ‘yung kanila, may infection, so aabot ‘yan siguro mga P750,000 to P900,000 maliban sa kanilang death and burial benefits from OWWA.”

Samantala, sinabi rin ng kalihim na maaantala ang repatriation ng mga labi ng yumaong OFW mula sa Saudi Arabia dahil sa problema sa mga dokumento kasama na rin umano ang pagnanais ng dalawang bansa na sumunod sa protocol para sa kaligtasan ng lahat.

“The July 4 deadline has been extended to early next week for us to fly home our beloved modern-day heroes,” anito.

Imahe via Baker Mckenzie

Sa kasalukuyan, aabot na sa 274 ang labi ng mga yumaong OFW sa Saudi Arabia at 129 dito ay dahil sa epekto ng coronavirus.

Nauna nang sinabi ng kalihim na mayroong dalawang eroplanong gagamitin sa nasabing repatriation.

Napagdesisyunan ng IATF na iuwi na lang sa bansa ang labi ng mga OFW matapos hilingin ito ng kanilang mga pamilya sa Pilipinsa sa halip na ilibing na lang doon sa Saudi Arabia.

Source :

Inquirer, Abante, PNA

Loading…