Paraan ng pamamahagi ng 100% sa trabaho, kinaaliwan

  • Kinatuwaan ng mga netizens kung paano hinati ang 100% sa trabaho na ipinakita sa isang Facebook page
  • “Always give your 100% at work” daw ngunit makikitang inata-atado naman ito sa limang working days
  • Mahalaga umanong mapanatili ang “work-life balance” ng isang tao

Madalas ay naririnig nating ibigay ang 100% sa lahat ng bagay na ating ginagawa, lalo na sa trabaho. Sa pamamagitan nito, maaaring mapansin ng employer o boss ang iyong sipag at dedikasyon kaya’t baka tumaas ang suweldo o mai-promote sa isang inaasam na posisyon o katungkulan.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang isang Facebook post na makikita sa page na “Corporate Comic Drama CCD” kung saan makikita ang larawan ng isang paalala para sa mga workaholic. Saad nito, “Always give your 100% at work.”

Imahe mula sa Facebook page na Corporate Comic Drama CCD /Public Domain Image

Subalit ang twist nito, hindi naman daw kasi sinabing buong linggo ay laging 100%. Maaari daw itong hatiin sa loob ng limang araw. Maaari daw itong hati-hatiin sa iba’t ibang bahagdan o porsyento kada araw hanggang sa mabuo ang 100%. “Benta” naman ito sa mga nagtatrabaho, lalo na sa mga taong Lunes pa lamang, pakiramdam nila ay pagod na pagod kaagad sila.

“Oh my God! That’s why I’m sure I’m giving 100% (allocated throughout the week) ang energy ko para hindi ka maubusan hahaha. Magawa nga iyan,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Tawang-tawa ako. Naalala ko yung motivational/engagement plan ng boss ko who happened to be my friend. Kapag Monday, sa mall lang kami, 80% Facebook productivity the rest of the week hahahaha!”

“Consistency is the key to professionalism. I make it 20% daily. Hahaha. Bakit ba. Work-life balance dapat. Pagdating sa bahay, lalo na kapag may sarili ka nang pamilya, kailangan mo talagang maglaan ng oras at enerhiya para sa kanila. Isasantabi muna ang work, dapat focus sa kanila,” wika naman ng isa.

Ayon sa mga eksperto, mahalagang mapanatili ng isang tao ang kaniyang “work-life balance” dahil maaaring makaaapekto ito sa kaniyang ugali at pakikitungo sa kapwa.

Public Domain Image

Ang “work-life balance” ay pagbalanse o pagpapantay ng isang tao sa panahong inilalaan niya sa trabaho at iba pang aspeto ng buhay, gaya ng pamilya at mga gawaing panlibang na pumupukaw sa interes.

Ayon sa artikulong “Philippine One,” upang matamo ang pagbalanse sa trabaho at personal na buhay, maaaring isagawa ang mga sumusunod: magpokus sa mga strengths o kalakasan, gumawa ng checklist ng mga gagawin, maglaan ng oras para sa personal na mga gawain, maglaan ng oras sa mga task upang wala nang iniisip na trabaho pag-uwi sa bahay, at pamahalaan ang long term time.

Loading…