PCG: Mga nawawalang mangingisda, posibleng nakulong sa tumaob na bangka

Imahe mula sa Irma Fishing and Trading
  • Posibleng nakulong umano ang mga mangingisda sa lumubog na bangka
  • Isa raw ito sa mga teoriya na tinitingnan ng PCG
  • Posibleng ring humingi na ng tulong sa ibang bansa ang PCG

Hindi isinasantabi ng Philippine Coast Guard (PCG) ang posibilidad na nakulong ang 14 na mangingisda sa tumaob na FV Liberty 5, ilang araw matapos silang mabangga ng isang Chinese cargo vessel.

SA panayam ng DZRH kay Commodore Armand Balilo, tagapagasalita ng PCG, sinabi nitong isa ito sa mga teoriya na kanilang tinitingnan.

“Meron din teorya na baka napunta doon sa ilalim dahil nasama sila doon sa paglubog ng fishing vessel,” wika ni Balilo.

Imahe mula sa Irma Fishing and Trading

Ganun pa man patuloy pa rin umano ang kanilang paghahanap sa 14 na Pilipinong mangingisda alinsunod na rin sa utos ni PCG commandant Vice Admiral George Ursabia Jr.

Magugunitang lumubog ang FV Liberty 5 matapos banggain ng MV Vienna Wood sa karagatan ng Occidental Mindoro noong Hunyo 28. Base sa mga ulat, 3 oras pa ang lumipas bago nakatanggap ng distress call ang PCG tungkol sa insidente, bagay na patuloy na iniimbestigahan ngayon.

Malabo rin umanong sisirin ng mga operatiba ng PCG ang lugar dahil aabot sa 2,000 metro ang lalim nito habang nasa 100 metro lamang ang kapasidad ng kanilang mga diver.

File photo ng Vienna Wood/Imahe mula sa SCMP

Ganun pa man, nangako si Balilo na hihingi sila ng tulong sa ibang bansa kung kinakailangan.

“Magtatanong din kami sa mga eksperto, magtatanong din kami sa mga ibang bansang kalapit natin kung paano gawan ng paraan ito… kung merong makinarya o technological equipment na pwede mahiram,” anang opisyal.

Apat na araw na ang lumipas matapos ang insidente, ngunit wala pa ring natatagpuan sa mga nawawalang mangingisda.

Umaasa naman ang kanilang mga kaanak na buhay pa ang mga ito at napadpad lamang sa malalayong isla.

Loading…