Pediatrician na gumaling sa COVID-19 muling kinapitan ng coronavirus

Imahe mula kay Job Abat
  • COVID-19 patient na gumaling muling nagkaroon ng coronavirus
  • Isang buwan sa ospital si Dr. Karen Abat-Senen at nakarekober subalit ilang araw lang ay muli siyang kinapitan ng naturang sakit
  • Nananawagan ang pamilya ni Dr. Karen Abat-Senen ng donor ng “O positive convalescent plasma” mula sa mga COVID-19 patients na nakarekober

Mali ang pagkakaalam ng marami na kapag gumaling na ang pasyente sa COVID-19 infection ay hindi na ito maaaring kapitan ng coronavirus. Matatandaang nagbabala noon ang World Health Organization laban sa paniniwalang ganito.

Imahe mula kay Job Abat

Dito sa Pilipinas, isang neonatal pediatrician ang nakipagbuno sa COVID-19. Isang buwan siyang ginamot sa Philippine General Hospital. Noong July 3 ay tuluyang nakarekober at pinayagan nang makauwi sa kanilang tahanan. Sa sobrang saya ay napakanta pa si Dr. Karen Abat-Senen na ang video ay ibinahagi pa niya sa social media.

Ngunit ilang araw lang ang lumipas matapos gumaling ay muli na naman siyang nagkaroon ng COVID-19 infection. Sabi ng kapatid niya, nakaramdam ng sintomas ng matinding pneumonia si Dr. Karen at nagpasyang bumalik sa ospital. Doon nalaman na muli siyang nagpositibo sa COVID-19.

“Umuwi siya, excited siya kasi ‘yun nga babalik na siya sa mga anak niya tapos siguro two or three days, I think two days after nu’ng kaka-discharge pa lang niya, nakaranas ulit siya. Parang pneumonia-like symptoms that are severe. ‘Kala nila, pneumonia lang, so dinala ulit siya. They did the whole thing and she turned up positive again,” kuwento ni Job Abat; nakababatang kapatid ni Dr. Karen.

Screenshot mula sa GMA video

Nitong nakaaraang Lunes, ika-13 ng Hulyo, ay inilagay na siya sa ventilator at kinailangan siyang i-sedate.

Nagtataka ang mga kaanak at kapwa niya doktor kung bakit muli siyang kinapitan ng impeksyon, ngunit ayon sa resulta ng pag-aaral na ginawa ng King’s College London, ang antibodies o panlaban ng katawan sa virus ng mga taong infected ng COVID-19 ay nawawala o kaya’y nagiging kaunti na lang.

Bagama’t wala pang ganitong pag-aaral na ginawa sa bansa, napatunayan ito sa isang COVID-19 patient na gumaling at muling na-infect nito.

IMahe mula sa Facebook account ni Kathlynne Anne Abat-Senen

“After nagkaroon siya ng infection ng March and by this time nu’ng bago mag July nagpa-test siya nu’ng anti-bodies niya and wala siyang makita. Negative na ‘yung kanyang anti-bodies. We cannot really say for sure na porke eto ay medyo gumaling-galing ka na ay talagang magaling na magaling ka na,” sabi ni Dr. Maricar Limpin, ang Vice President of the Philippine College of Physicians.

Nananawagan ngayon ang pamilya ni Dr. Karen Abat-Senen ng donors ng “O positive convalescent plasma” mula sa mga pasyenteng nakarekober sa COVID-19.

Loading…