‘Perfect camera work’: Robin Padilla pinuri si Bb. Joyce Bernal sa pagdirek ng SONA

Mga imahe mula sa Facebook at Instagram ni Robin Padilla
  • Pinuri ni Robin Padilla ang pagkakadirek ni Joyce Bernal sa SONA ni Pang. Duterte
  • Pinasalamatan din ng aktor ang inilapat na ‘talino at sining’ ng direktor sa SONA
  • Taliwas naman sa reaksiyon ng ilang netizens ang mga papuri ni Robin

Pinapurihan ni Robin Padilla si Binibining Joyce Bernal dahil sa umano’y magandang pakakadirek ng huli sa ika-5 state of the nation address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes, ika-27 ng Hulyo.

Sa kaniyang Instagram account, pinasalamatan din ng aktor si Bernal dahil sa inilapat umanong talino at sining ng direktor na nagdulot ng magandang resulta.

“Isang malalim na pagbati at pasasalamat sa aking kaibigan at hinahangaan na direktora BInibining Joyce Bernal sa pagkakalapat ng kanyang talino at sining para sa ikagaganda ng state of the nation address ng ating Pangulo ng Pilipinas “mayor” Rodrigo Roa Duterte,” ani Robin sa kaniyang post.

Imahe mula sa PCOO

Pinuri din ni Robin ang kaniyang kaibigang direktor dahil sa ‘napakagandang short fillm’ na kinunan sa Cordilllera. Ang binabanggit ni ‘Bad Boy’ ay ang naging kontrobersyal na shooting nina Bernal matapos silang  pagbawalang makapasok sa Sagada at Banawe dahil sa COVID-19 protocol.

“Perfect camera works sa Batasan pambansa at napakaganda ng short film na kuha sa Cordillera bilang prelude sa arrival ni PRRD,” ani Binoe. “Napakalaki ng iyong naiambag sa rebolusyon, direk joyce, muli maraming maraming salamat! Mabuhay ka at ang ating Panata sa Inangbayan.”

Si Robin ay kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at hindi lang ilang beses na ipinagtanggol ang presidente laban sa mga kritiko ng administrasyon.

Pinoy na Pinoy?

Samantala, taliwas naman sa mga papuri ni Robin ang naging reaksiyon ng ilang netizens sa kinalabasan ng ‘obra’ ni Bernal.

Karamihan sa mga bumatikos ay nakulangan umano sa ginawa ng direktor na nangakong bibigyan ng ‘Pinoy na Pinoy’ flavor ang SONA ng Pangulo.

Imahe mula sa IMDB

Narito ang ilan sa mga reaksiyon ng netizens:

“Maalala ko lang ‘yung sinabi ni Joyce Bernal. Very proud na nagsabing “Pinoy na Pinoy” ang #SONA2020. Pero bakit ganun? Ganun na ba ngayon ang Pinoy na Pinoy ng isang Direk Joyce Bernal?”

“Yan na yung “distinctly Filipino flavor”? Eh lasang panis na dinuguan na pinamudmuran ng giniling na bubog at pako?”

“Never again to watch a Joyce Bernal movie. Enabler director. Kakagalit ka.”

“So ano yung sinasabi ng dds na si joyce bernal na bagong flavor sa coverage ng sona?”

Ang SONA noong Lunes ang ikatlong sunod na SONA ni Pangulong Duterte na pinangasiwaan ni Bernal na kilala sa mga blockbuster na romantic-comedy (rom-com) na mga pelikula.

Loading…