PGH hindi na tatanggap ng mga critical COVID-19 cases dahil puno na ang ICU

Imahe mula sa Facebook page ng PGH
  • Hindi na muna tatanggap ng mga critical COVID-19 cases mula sa ibang pagamutan ang PGH
  • Ang allocated beds ng PGH para sa COVID-19 cases ay 130 lang, samantalang ang kanilang COVID-19 patients ay 172
  • Tiniyak ng PGH na sapat ang bilang ng health workers nila para tumugon sa COVID-19 cases

Ipinahayag ng pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) na hindi na muna ito tatanggap ng mga critical COVID-19 cases na ire-refer sa kanila ng ibang pagamutan dahil halos puno na ang intensive care unit (ICU) nito.

Imahe mula sa Facebook page ng PGH

Ayon sa tagapagsalita ng PGH na si Dr. Jonas Del Rosario, halos okupado na ang kanilang ICU kaya’t hindi na muna sila tatanggap ng mga COVID-19 patients mula sa ibang pagamutan.

“’Yung ICU namin ay, totoo,  halos puno na talaga. Hindi po kami makatatanggap ng patients na severely or critically ill galing sa ibang hospital dahil medyo puno po sa ICU,” ani Dr. Del Rosario.

“Kailangan po naming magbigay ng dalawa o tatlong beds para sa pasyente namin na maaaring mapunta sa ICU,” dagdag niya.

Inamin niya na kung tutuusin ay sobra na ang bilang ng kanilang mga COVID-19 patients batay sa 130 allocated beds para sa COVID-19 cases. Aniya nasa 172 lahat ang mga pasyente nila na may kaso ng coronavirus.

“Kami po ay halos puno na rin. Actually kung ang pagbabasehan ay ang allocated beds namin…na 130, eh lagpas na po kami doon,” paliwanag niya.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sa 172 COVID-19 patients ng PGH, ang 145 ay kumpirmado, ang 22 ay suspects at ang lima ay probable cases.

May ilan pa namang kama na inilaan ang PGH sa ibang bahagi ng ospital para sa mga COVID-19 cases na hindi na maa-accommodate sa COVID-19 wards.

“Tawag po namin doon ay mga holding area, kasi minsan dadating sila, di pa naman sila COVID-19 [positive], at sila ay i-te-test or kailangan na rin ipasok dahil and kanilang mga symtomas ay maaaring COVID-19,” paliwanag pa ni Dr. Del Rosario.

Tiniyak naman niya na may sapat na bilang ng health workers ang PGH na tutugon sa COVID-19 cases.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Loading…