Pinakamalaking operator ng Pizza Hut at Wendy’s sa US, nag-file ng bankruptcy

Imahe via NPC Intl
  • Operator ng Pizza Hut at Wendy’s nag-file ng bankruptcy
  • Umabot na umano sa halos 1 bilyong dolyar ang utang ng kompanya
  • Hindi naman ito nangangahulugan na magsasara ang mga apektadong branch

Coronavirus, lumolobong utang at patuloy na pagtaas ng labor cost at presyo ng pagkain; ito ang mga itinuturong dahilan kung bakit napilitang mag-file ng bankruptcy ang pinakamalaking operator ng franchise ng Pizza Hut at Wendy’s sa Estados Unidos.

Nitong Miyerkules, dumulog sa Southern Court ng Texas ang NPC International para proteksiyon ang kanilang kumpanya sa epekto ng Chapter 11 o pagkalugi (bankruptcy).

Imahe via NPC Intl.

Ang NPC Int. ang pinakamalaking operator ng dalawang sikat na restaurant sa US. Sa kasalukuyan, mayroon silang mahigit 1,200 branch ng Pizza Hut at halos 400 na Wendy’s.

“Deteriorating brand recognition has been further exacerbated by decreased menu innovation and the lack of a clear, long-term strategy by the Pizza Hut Franchisor to address the brand issues to provide a clear and differentiated identity,” ayon sa dokumento ng bankruptcy filing.

Ayon sa ulat ng mga pahayagan sa US, umabot na sa halos $1-billion ang utang ng NPC.

Samantala, inaasahan na umano ng YUM! Brands, ang may-ari ng Pizza Hut, ang pag-file ng bankruptcy ng NPC Int. at suportado umano nila ito.

Imahe via NPC Intl.

“As NPC works through this process, we support an outcome resulting in an organization with a lower, more sustainable level of debt, ownership focus on operational excellence and a greater level of restaurant investment,” wika ng tagapagsalita ng YUM!.

Ganun pa man, hindi naman umano nangangahulugan ito na magsasara na ang mga Pizza Hut at Wendy’s ng NPC na aabot sa 40,000 ang bilang ng mga empleyado.

Mananatili pa ring bukas ang mga naapektuhang branch habang gumagawa ng paraan ang NPC Intl. para mabayaran ang kanilang mga utang.

Loading…