Posibleng pagkalat ng bubonic plague sa Inner Mongolia, binabantayan

Imahe via Xinhua
  • Binabantayan ngayon sa Tsina ang posibleng pagkalat ng bubonic plague
  • Isang kaso ng nasabing infection ang naiulat sa Inner Mongolia
  • Ang biktima umano ay isang pastol na naka-quarantine na ngayon

Binabantayan ngayon ng mga awtoridad sa Northern China ang posibleng pagkalat ng nakatatakot na bubonic plague matapos mapaulat ang isang kaso sa Inner Mongolia Autonomous Region nitong Sabado.

Ayon sa ulat ng Xinhua News, ang biktima ay isang pastol na kasalukuyang ginagamot sa pagamutan ng lungsod ng Bayannur. Hindi pa matukoy kung  saan nakuha ng lalaki ang nasabing infection.

Imahe via China.org

Kasalukuyang naka-quarantine umano ang pasyente at nasa maayos naman na kalagayan ito.

Nagpalabas na rin ng ‘third-level’ na babala ang mga lokal na awtoridad para mapigilan ang pagkalat ng sakit. Hinimok din ang mga mamamayan doon na ipagbigay-alam agad sa kinauukulan ang sinumang makaranas ng sintomas tulad ng lagnat  o anumang makitang patay na daga.

Ipinagbawal na rin ang pangangaso ng mga hayop o kaya ay pagkain nito upang hindi mahawa ang mga mamamayan.

Imahe via Medical News Today

Ang bubonic plague ang kumitil sa buhay ng halos 50 milyong katao sa Africa, Asia and Europa noong 14th century.

Ito ay isang bacterial infection mula sa ‘Yersinia pestis’  na karaniwang naikakalat ng mga pulgas (flea) mula sa mga maliliit na hayop tulad ng daga.

Bagama’t madali na itong magamot ngayon sa pamamagitan ng antibiotic, napakadelikadong sakit ang bubonic plague kapag napabayaan.

Karaniwang sintomas nito ay mataas na lagnat,  pagkahilo, pagsusuka, panghihina at pamamaga sa leeg, kili-kili at singit.

Loading…