Protest placards kinumpiska ng pulis sa kalagitnaan ng misa sa loob ng Quiapo church

Screenshot mula sa Twitter video ni RJ Naguit
  • Kinumpiska ng nga pulis ang placard ng militanteng grupo sa loob ng Quiapo church
  • Nangyari ang insidente sa gitna ng idinaos na misa sa loob ng simbahan
  • Magsasampa naman ng reklamo ang Partido Akbayan laban sa MPD dahil sa pangyayari

Ilang miyembro ng militanteng grupo ang kinumpiskahan ng mga placard habang nakikinig ng misa sa Quiapo church ilang oras bago ang ika-5 state of the nation address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, ika-27 ng Hulyo.

Base sa video na nakunan ni RJ Naguit na ibinahagi sa Twitter ni Senador Risa Hontiveros, makikita ang ilang protesters na nakikinig ng misa habang hawak ang mga placard na nagpapakita ng pagtutol sa ilang patakaran ng administrasyong Duterte.

Imahe mula sa Akbayan-Facebook

Maya-maya pa ay dumating ang dalawang naka-unipormeng pulis na kinausap muna ang mga aktibista bago sapilitang kinuha ang kanilang mga gamit na nasa loob ng isang bag.

“Ang sasahol! Sa gitna ng banal na misa eto ang mga uniformed personnel kinukuha ang gamit ng isang kasamahan namin! Bastusan na to!” ayon sa caption ni Naguit.

Ayon naman kay Senador Hontiveros, kinausap niya ang mga pulis pagkatapos ng misa.

“Walang rally na naganap. Misa lang. Hindi katanggap-tanggap ang karahasan na ito, lalo na sa gitna ng sakramento,” komento ng senador.

Screenshot mula sa Twitter ni Sen. Risa Hontiveros

Samantala, magsasampa naman umano ng reklamo ang Partido Akbayan laban sa Manila Police District.

“Hindi makatarungan ang nagawang pagkumpiska sa mga materyales. Sumama lamang ang mga kasapi ng partido sa misa para sa katarungan at kapayapaan bago tumuloy sa malawakang kilos protesta sa UP Diliman,” pahayag ng grupo sa kanilang Facebook page.

Wala naman daw nakalabas o nakabuklat na kagamitan at hindi rin ito nagamit upang magsagawa ng kilos protesta sa loob ng simbahan.

Hindi rin umano naipaalam sa may-ari ang pangungumpiska at walang naipaalam na dahilan nito na isang paglabag daw sa protocol ng kapulisan at puwedeng sampahan ng pagnanakaw.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamunuan ng Manila Police District tungkol sa pangyayari.

Loading…