PWD na nagpadyak mula Kalookan hanggang Sorsogon, tinulungan ng mga riders

Mga imahe mula sa Facebook post ni Eric Barela
  • PWD nagpadyak lang mula Kalookan hanggang Sorsogon
  • Tinulungan naman ito ng mga riders at netizen na may mabuting loob
  • Inaasahang darating na sa Sorsogon City ang dalawa nitong Huwebes ng gabi

Umani ng simpatiya sa social media ang PWD na nagpadyak mula sa Kalookan pauwi ng Sorsogon matapos itong ibahagi ng isang may mabuting loob na netizen.

Sa mga Facebook post ni  Eric Llamado Barela, makikita ang larawan ng isang lalaki at isang babae sakay ng isang padyak na may nakalagay na pauwi ito ng Sorsogon at PWD pa ang nagmamaneho.

Matutunghayan din sa ilang video na ibinahagi ni Barela kung paano nila pinagtulung-tulungan kasama ang iba pang riders na hilahin ang padyak.

Imahe screenshot via Facebook ni Eric Barela

Ayon sa ID na napost sa Facebook, nakilala ang lalaking sakay ng padyak na si Rommel Balbona. Mayroon itong bitbit na quarantine pass mula sa Lungsod ng Kalookan. Nakasaad din sa ID na mayroon itong ‘orthopedic disability’.

Kasama niya rin ang kaniyang live-in patner na nakilalang si Gina Cabalse, base naman sa ulat ng GMA News.

Wala raw pamasahe ang mag-partner kaya nagpasiya silang gamitin na lang ang padyak. Hindi rin daw sila nabigyan ng travel pass ng barangay dahil nga padyak lang ang sasakyan.

Imahe screenshot via Facebook ni Eric Barela

Habang hinihila ng mga riders, humihingi naman ng tulong si Barela sa social media para sa dalawa kaya marami ang naantig at tumulong dito hanggang sa makarating sa Bicol. Marami naman ang pumuri kay Barela at sa kaniyang grupo dahil sa pagmamalasakit kay Balbona at sa kasamahan nito.

Samantala, sa update naman ng 101.5 Brigada News FM Sorsogon nitong Miyerkules, inaasahang darating na sa Sorsogon City sina Balbona nitong gabi ng Huwebes o Biyernes ng umaga sa tulong ng Bicol Oragon Riders, Team Buladas at Tau Gamma San Pablo.

Dadaan sa proseso ng quarantine ang dalawa sa Putiao, Pilar bago sila idiretso sa quarantine facility ng lungsod.

Samantala, sa mga gustong tumulong, maaari umanong tawagan si Balbona sa cellphone number na 0951 545 2482.

Loading…