Rachel Pempengco inireklamo ang isang furniture shop; may-ari dismayado sa halagang sinisingil

Screenshot mula sa Raffy Tulfo in Action - YT
  • Ina ni Jake Zyrus inireklamo ang isang furniture shop sa Tagaytay
  • Sinisingil nito ang may-ari sa halaga ng furniture na ipinagawa na aabot daw ng P1-M
  • Dismayado naman ang may-ari ng shop dahil 6 na taon na silang hindi nababayaran

Dumulog sa programang Raffy Tulfo in Action ang nanay ni Jake Zyrus na si Rachel Pempengco para ireklamo ang isang furniture shop na ‘inipit’ umano ang kaniyang mga furniture sa loob ng 6 na taon.

Kuwento ni Mrs. Pempengco kay Sir Raffy, dinala niya sa St. Lois Furniture shop ni Mrs. Anita Taruc sa Tagaytay ang kaniyang mga sala set, dining set at iba pang gamit para ire-upholstery. Base sa kaniyang estimate, nagkakahalaga umano ito ng halos P1-M.

Screnshot mula sa Raffy Tulfo in Action

Ayon daw sa usapan nila ng may-ari, gagawing ‘good-as-new’ ang mga furniture at saka ibebenta sa shop. Subalit hindi raw niya masingil-singil si Mrs. Taruc na inabot na ng anim na taon.

Subalit mariing itinanggi naman ito ng may-ari. Ayon kay Mrs. Taruc, hindi ganun ang kanilang usapan.

Ang usapan umano ay gagawin nila ang furniture at saka ito kukunin sa kanila para ilipat sa ibang bahay ni Mrs. Pempengco. Ang totoo umano, matagal na nilang nagawa ang furniture subalit hindi ito kinukuha ng ina ni Jake Zyrus.

Wala rin daw silang napag-usapan na sila ang magbebenta nito sa kanilang shop. Ilang beses na raw na may pinapunta si Mrs. Pempengco sa shop nila subalit hindi naman maibigay ang bayad sa kanilang ginawa.

Screenshot mula sa Raffy Tulfo in Action – YT

Ito umano ang dahilan kung bakit inabot ng anim na taon sa kanila ang mga furniture.

Inamin naman ni Mrs. Pempengco na wala talaga siyang pambayad kaya nga nais niyang ibenta na sana ito ng shop para mabawi ang halagang binili ng mga gamit.

Kumampi naman si Sir Raffy kay Mrs. Taruc dahil kung tutuusin daw ay dapat pang singilin si Mrs. Pempengco ng demorahe dahil inabot na ng anim na taong nakatengga ang mga furniture sa shop at natutulog rin ang perang ginastos dito ng negosyante.

Napagkasundo rin ni Sir Raffy ang dalawa na pag-usapan na lang muli ito. Mungkahi ni Mrs. Taruc maaari niyang bayaran na lang ang halaga ng frame at hindi ang kabuuang halagang sinisingil ni Mrs. Pempengco para dito.

Ito ay para lang umano matapos na ang usapan, ani Mrs, Taruc, na hindi naitago ang pagkadismaya.

Panoorin ang reklamo ni Mrs. Pempengco at ang buwelta ng may-ari:

Source :

YouTube

Loading…