Rep. Vilma Santos iginiit na walang ‘conflict of interest’ sa naging boto pabor sa ABS-CBN

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Iginiit ni Vilma na walang ‘conflict of interest’sa kaniyang pagboto pabor sa ABS-CBN
  • Hindi naman umano sila stockholder ng kompanya ng mga Lopez
  • Handa rin daw siyang harapin anuman ang kahinatnan ng kaniyang naging desisyon

Iginiit ni Deputy Speaker Batangas Rep. Vilma Santos-Recto na walang ‘conflict of interest’ sa kaniyang naging desisyon na bumoto pabor sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN noong nakaraang Biyernes, ika-10 ng Hulyo.

Ayon kay Santos, siya at ang kaniyang anak na si Luis Manzano, ay hindi naman stockholder ng Kapamilya network at wala naman siyang kasalukuyang kontrata sa istasyon.

“Wala naman akong existing na kontrata sa ABS-CBN and I’m not part of the management or the operation of the company,” giit ng beteranang aktres at pulitiko.

Imahe mula sa Facebook ni Rep. Vilma Santos-Recto

Bukod pa rito karapatan niya rin umanong bumoto bilang Deputy Speaker at ex-officio member ng lahat ng komite sa Mababang Kapulungan.

“Si Luis naman, he’s already an adult; meron na siyang desisyon para sa sarili niya and at the same time he’s just a talent. Kaming dalawa ng anak ko hindi naman kami mga stockholders ng kumpanya so wala akong nakikita na conflict of interest do’n, kaya ako bumoto. And as an ex-officio [member] ay karapatan ko na bumoto,” giit ni Santos.

‘Bigla na lang kaming naging 11’: Vilma ‘nagulat’ sa pagkonti ng boto pabor sa ABS-CBN

Ayon pa sa dating gobernador ng Batangas, handa siyang harapin anuman ang maging kabayaran ng kaniyang pagboto pabor sa ABS-BN tulad na lamang ng posibleng pagbawi ng committee chairmanship mula sa kaniya.

Dati na umanong nangyari ito sa kaniya noong bumoto siya laban sa parusang kamatayan at bilang isang ‘independent thinker’, bukas siya sa mga ganitong kalakaran sa Kamara.

Imahe mula sa HoR-Facebook

“Kung ano man iyong naging decision ko sa renewal ng franchise ng ABS-CBN at magkakaroon ulit ng mga ganoong mga consequences, I think I’m prepared for that. Ganoon talaga e, tanggapin natin iyon,” paliwanag ng kongresista.

Magugunitang ‘conflict of interest’ ang ibinigay na dahilan nina Rep. Alfred Vargas at Rep. Loren Legarda kung bakit umano pinili nilang hindi bumoto noong Biyernes.

Maliban kay Vilma, ang iba pang kongresista na bumoto para bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN ay kinabibilangan nina Reps. Sol Aragones, Christopher de Venecia, Carlos Zarate, Gabriel Bordado, Lianda Bolilia, Ping Tejada, Benny Abante, Stella Quimbo, Mujiv Hataman at Edward Maceda.

Loading…