Repolyo at pipino nakatutulong sa pagbaba ng mortality rate ng COVID-19 – European study

Imahe mula sa AHM
  • Nakatutulong ang repolyo at pipino upang bumaba ang bilang ng mga pasyenteng hindi nakaliligtas sa bagsik ng COVID-19, ayon sa isang European study
  • Ito ay dahil nakatutulong ang mga ito sa pagpapataas ng produksyon ng protinang NrF2 sa ating katawan
  • Naiibsan ng Nrf2 ang sobrang pamamaga na nakikita sa mga pasyenteng may malubhang kaso ng COVID-19

Sinasabi sa isang bagong pag-aaral na ginawa sa Europe na ang pagkain ng ilang uri ng gulay ay makatutulong upang bumaba ang bilang ng mga taong hindi nakaliligtas sa bagsik ng novel coronavirus o COVID-19.

Imahe mula sa AHM

Ayon sa pag-aaral ng mga researchers na pinangunahan ni Jean Bousquet, isang professor ng pulmonary medicine sa Montpellier University sa France, kung dadagdagan ang average consumption ng cabbage (repolyo) at cucumber (pipino) ng isang gramo kada araw ay bababa ang COVID-19 mortality rate ng isang bansa ng 13.6 per cent (para sa repolyo) o 15.7 per cent (pipino).

“Little attention has been given to the spread and severity of the virus, and regional differences in diet, but diet changes may be of great benefit. Nutrition may play a role in the immune defense against COVID-19 and may explain some of the differences seen in COVID-19 across Europe. I have now changed my diet, and it includes raw cabbage three times a week, sauerkraut once a week, and pickled vegetables,” pahayag ni Dr. Jean Bousquet.

“Nutrition should not be overlooked as a factor behind COVID-19 deaths”, aniya.

Imahe mula sa International Food Information Council

Sa ginawang pag-aaral, napabababa raw ng repolyo at pipino ang compounds na nagsasanhi ng impeksyon sa katawan ng tao.

Ang science sa likod nito ay ang protinang tinatawag na NrF2.

Nagreresulta umano sa sobrang pamamaga o inflammation sa mga malubhang pasyente ang SARS-CoV-2, ang virus na nagsasanhi ng COVID-19. Naiibsan ng NrF2 ang ganitong pamamaga. Ang repolyo at pipino ay nakatutulong sa paggawa ng NrF2 sa katawan ng tao.

Ayon sa mga researchers, ang mga taong may mas maraming repolyo at pipino sa kanilang diyeta ay posibleng mas may kahandaan sa paglaban sa COVID-19.

Ang ganitong resulta ay hindi nakita sa ibang gulay na nakakapag-boost din ng NrF2 production tulad ng broccoli at cauliflower. Paliwanag ng researchers, posibleng masyadong mababa ang average daily consumption ng mga tao sa broccoli at cauliflower para makapagbigay ng proteksyon.

Imahe mula sa Healthline

Ang resulta ng pag-aaral na na-published sa Springer Nature ay hindi pa dumaan sa peer-review. Ang pag-aaral ay limitado lang sa Europe kung saan ang mga bansang Belgium, Britain, Spain, Italy, Sweden, at France ay nakapagtala ng mataas na COVID-19 mortality rate.

Ang mga nabanggit na bansa ay nagpatupad ng magkakaibang lockdown measures, pero may isang bagay daw na nagkakapare-pareho ang mga ito – ang cabbage at cucumber ay hindi malaking bahagi ng kanilang diyeta.

Source :

MSN, 7 News

Loading…