Buwelta ni Locsin kay Roque: “Wala nga akong narinig na naitulong mo”

Image by Angel Locsin via Facebook
  • Sinagot ni Angel Locsin ang pahayag ni Spox. Harry Roque na mababa ang donasyon ng ABS-CBN kumpara sa mga Ayalas at MVP Group
  • Ani aktres, imbes na magpasalamat ay tinuligsa pa umano ni Roque ang kusang-loob na donasyon ng istasyon
  • Locsin: “Wala nga akong narinig na naitulong mo pero nagawa mo pang magsalita ng ganito”

Bumuwelta si ABS-CBN Primetime Queen Angel Locsin sa mga naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mas mababa umano ang naging donasyon ng ABS-CBN sa COVID-19 pandemic kumpara sa mga Ayalas at MVP Group.

Image by Angel Locsin via Facebook

Sa kanyang Facebook page, ibinahagi ni Locsin ang naging pahayag ni Roque at sinabing, “Pambihira. Imbes na magpasalamat at may sumalo, nagawa mo pang tuligsain. Kusang loob po iyan at hindi obligasyon dahil government naman po talaga ang dapat ang gagawa neto pero humingi po kayo ng tulong di ba kasi hindi kaya?”

Dagdag pa nito, “Wala nga akong narinig na naitulong mo pero nagawa mo pang magsalita ng ganito.”

Ipinost din ng aktres ang tala ng mga cash donations ng Lopez Group na umabot sa P268-million at P427-million na nalikom na cash donations at pledges mula sa “Pantawid ng Pag-ibig.”

Ang tinutukoy na pahayag ni Roque ay mula sa kanyang panayam sa ANC kung saan sinabi niyang may kakayahang makatulong ng mas malaki ang ABS-CBN kumpara sa MVP at Ayalas.

Pero, aniya, “I know you donated P200 million of your own money, but the rest, you raised from your TV programs, through your cause for donation. But these two companies did it on their own.”

Ayon kay Roque, mayroong initial na actual na tulong ang MVP Group na nagkakahalaga ng P6.5-billion at nagbayad ng mga buwis at concession fees na umabot sa bilyun-bilyong halaga kaya’t suma-total nito ay higit-kumulang P20-billion.

Image by Harry Roque via Facebook

Samantala, sabi ng spokesperson, hindi bababa sa P9.5-billion ang naibigay na tulong sa COVID-19 response ng Ayalas batay sa pigura na nakarating sa kanya.

Ginawa umano ito ng MVP Group at Ayalas sa kabila ng banta ng Pangulo na ipakukulong ang mga ito at itinalaga pa si Roque na magsampa ng kasong kriminal sa mga ito – at totoo aniya na nagsampa siya.

Loading…