Saka na ang Chacha: Mayor Isko hinimok ang mga opisyal ng gobyerno na unahin muna ang COVID

Screenshot mula sa Facebook video ni Mayor Isko
  • Hindi pabor si Mayor Isko na pag-usapan ang charter change sa panahon ngayon ng pandemiya
  • Dapat na unahin umano ng gobyerno ang pagsugpo sa COVID-19
  • Isinusulong ngayon ng mga alkalde sa bansa ang ilang pagbabago sa Saligang Batas

Kung si Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang masusunod, hindi dapat gawing priority ngayon ng mga lokal na opisyal ang charter change at imbes daw ito dapat ay mag-focus muna sa pagsugpo sa lumalalang COVID-19.

Ginawa ng alkalde ang naturang pahayag bilang sagot sa tanong ni Karen Davila sa panayam ng ANC kung panahon na nga ba para pag-usapan ang constitutional reform o charter change.

Screenshot mula sa Facebook ni Mayor Isko

“I agree in any given development at any given time in a normal situation. That’s why we elect congressmen and senators to change laws. In this case, if it can help later on, why not? But for now, please… let’s just focus muna dito kay COVID-19,” wika ni Domagoso.

Dapat daw na kung ano man ang mga gagawing aksiyon at hakbang ng pamahalaan sa mga susunod na araw, ito ay nakatuon lamang sa kalusugan at ekonomiya.

“Kung ako lang, ‘yan ang focus ko dito sa Maynila. There is time for everything,” dagdag ng alkalde.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Chavit Singson

Kamakailan lamang ay ibinahagi ni National President of the League of Municipalities of the Philippines (LMP) at Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson na aabot sa 1,488 na alkalde ang nagpahayag ng interes sa dalawang partikular na pagbabago sa Saligang Batas.

Ito ay ang pagtatanggal sa foreign restriction para sa mga industriyang nakalaan lang sa mga Pilipino at ang gawing malawakan ang pagsakatuparan ng tinatawag na Mandanas ruling ng Korte Suprema.

Ang panukala umano ay upang masiguro na ang lahat ng rehiyon sa bansa ay magkakaroon ng patas na bahagi sa buwis na nakokolekta ng national government.

Loading…