Salute! Dalawang pulis binilhan ng grocery ang isang tatay mula sa ‘patak-patak’

Imahe screenshot mula sa Facebook video ni James Villon
  • Dalawang pulis sa Palawan, umani ng papuri mula sa mga netizens
  • Ito ay matapos nilang mag-ambagan para maibili ng grocery ang isang tatay
  • Nakunan ng video ang pangyayari at ibinahagi ito ng isang Facebook user

Tunay na nakatataba ng puso kapag nakakakita tayo ng mga taong tumutulong sa ating kapwa lalo pa ngayong panahon ng pandemiya na karamihan sa mga Pilipino ay nakararanas ng kagipitan.

Sa Palawan, umani ng papuri mula sa mga netizens ang ginawa ng dalawang babaing alagad ng batas nag-ambagan pa mula sa kanilang sariling pera para lamang maibili ng grocery ang isang matandang lalaki.

Makikita sa video na ibinahagi sa Facebook ni James Villon ang dalawang pulis na tinutulungang ilagay sa isang plastik na lalagyan ang mga pinamiling gamit bago tuluyang nagpaalam ang matanda.

Imahe screenshot mula sa Facebook video ni James Villon

Kuwento ni Villalon sa ABS-CBN News, nakapila siya sa isang grocery nang mapansin niya ang isang pulis na namimili ng mga gamit subalit tila kulang ang pambayad. Ang inilalabas daw nitong pera ay tigbebente lamang at mga coins pa kaya nagtataka siya.

“Siyempre, alam natin na nakauniporme sila. So, nung tanungin ilan pa ‘yung kulang doon namang talikod ko may nakapila na isang nanay na nagtanong kung ilan ba ‘yung kulang. So, sabi niya ako na lang ‘yung dadagdag ng kulang,” salaysay ni Villalon.

Nang nasa labas na ay nadaanan niya ang pulis na kausap ang isang lalaki at dito niya nalaman ang buong kuwento habang kinukunan ng video.

Imahe screenshot mula sa Facebook video ni James Villon

Kaya raw pala kulang ang pambayad dahil nagpatak-patak lamang ang pulis at mga kasamahan nito upang maibili si tatay ng grocery.

Ayon sa dalawang opisyal, na nakilalang sina Patrolwoman May Flor Galvez Aplaon at Patrolwoman Riza Ulson Valdez, lagi nilang nakikitang dumadaan ang matandang lalaki sa harap ng kanilang minamanduhang checkpoint. Kadalasan umano ay para maghanap ito ng ulam.

At nang araw na iyon ay napagpasiyahan ng mga opisyal na mag-ambagan para may maibigay silang grocery kay tatay.

Bukod sa tila may sakit na rin ang matanda, nag-aalala rin sila sa kaligtasan nito lalo pa’t may nagpositibo umano sa COVID-19 malapit sa kaniyang inuuwian.

Pinapurihan naman sina Pat. Aplaon at Pat. Valdez ng pamunuan ng Puerto Princesa City Police Office sa kanilang kabutihang loob.

Narito ang video:

Loading…