Samgyeopsal Quarantine version, labis na kinatuwaan

  • Patok sa mga netizens ang “Samgyeopsal Quarantine version”
  • Ang kailangan lamang ay lettuce at sardinas na naipon mula sa mga ayuda o panic buying bago ang enhanced community quarantine
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Isa ka rin ba sa mga hinahanap-hanap ang sagitsit ng mantika sa pagluluto ng mga nakahiwang marinated pork o beef sa grill pan, paglalagay nito sa lettuce na nilagyan ng kimchi, at pagkain nito gamit ang kamay o chopsticks?

Ito ang tinatawag na “samgyeopsal” na patok na patok na uri ng kainan sa kasalukuyan; mula sa impluwensiya ng mga Koreano.

Natigil ang ‘kabaliwan’ ng mga Pilipino sa pagtungo sa samgyeopsalan simula nang magsimula ang pagpapatupad ng community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Kaya naman, kinatuwaan ang ibinahaging larawan sa Facebook page na “Papa” kung saan makikita ang alternatibong samgyeopsal na maaaring gawin kung walang grill o mga sangkap; tinawag itong “Samgyeopsal Quarantine Version.”

Imahe mula sa Facebook page na Papa

Simple lamang ang mga kailangan: bumili ng lettuce at buksan ang mga de-latang sardinas na naipon mula sa ayuda ng mga lokal na pamahalaan noong ECQ. May laman na, may sauce pa! Garantisadong tipid pa!

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Parang masaya din to sa office.. lalo na kapag petsa de peligro hahaha,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Samgyeopsal diet edition hahaha, ubos na ang mga sardinas namin, baka puwede naman ang ibang de-lata gaya ng tuna, corned beef, at vienna sausage? O kaya pork and beans para medyo sosyal.”

“Samgyeopsal nang naghihirap hahaha, pero why not ‘di ba? Mukhang masarap naman,” sabi ng isa.

Noong Hunyo 15, 2020, muli nang pinayagan ang dine-in sa mga restaurants, kabilang ang mga samgyeopsalan, sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ o MGCQ. Kailangan lamang sundin ang mga health protocols upang iwas-hawaan ng COVID-19. Halimbawa, dalawang katao lamang ang papayagang umupo sa isang mesa at ipinagbabawal din na sila ay magkatapatan o face to face.

Public Domain Image

Kung ayaw pa rin talagang lumabas, uso na ngayon ang pagbili ng sariling samgyeopsal grill pan sa bahay kung swak naman sa budget. At kung talagang nagtitipid, bakit hindi subukin ang samgyeopsal quarantine version?

Source :

Facebook

Loading…