Sasagutin mo ba ang manliligaw kung may dalang bigas at tangke ng LPG?

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang larawan ng isang nakatalikod na lalaki
  • Mukha kasi itong aakyat ng ligaw
  • Sa halip na bulaklak, chocolate o stuffed toy, bigas at tangke ng LPG ang bitbit nito

Sabi nga sa isang sikat na saknong mula sa akdang “Florante at Laura” ni Francisco ‘Balagtas’ Baltazar, “ang pag-ibig kapag pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat, masunod ka lamang.” Minsan, may mga lalaki talagang gagawin ang lahat upang mapaibig lamang ang babaeng pinipintuho niya. Dito pumapasok ang panliligaw.

Sasagutin mo ba ang manliligaw kung sa halip na bulaklak, chocolate, o stuffed toys ang bitbit, isang sako ng bigas at tangke ng lpg ang kaniyang handog para sa iyo?

Kinaaliwan ng mga netizens ang kumakalat na larawan ng nakatalikod at hindi natukoy na lalaki sa social media kung saan makikitang may bitbit siyang sako ng bigas at tangke ng lpg, na sa hinuha ng mga netizens ay tila aakyat ng ligaw.

Imahe mula sa Facebook / Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Mukhang guwapo naman si Kuya, nakatalikod pa lang. Mukhang praktikal din sa buhay, kaya kung manliligaw iyan sa akin, sasagutin ko na kaagad hahaha,” pabirong pahayag ng isa.

Turan naman ng isa, “Malay mo hindi naman pala siya manliligaw, magbebenta lang ng bigas at gaas hahaha, huwag assuming at judgmental!”

“Iyan ang tunay na manliligaw! Praktikal! Kapag iyan ang napangasawa mo, siguradong ikatutuwa mo kasi praktikal at wais na mister sa hinaharap. Relationship goals ito!” wika naman ng isa.

Noong panahon ng mga katutubo, upang makuha ang matamis na pagsang-ayon ng babaeng nililigawan sampu ng pamilya nito, kailangan silang pagsilbihan. Tinatawag itong “paninilbihan.” Lahat ng mga nais ipagawa sa manliligaw na lalaki ay ipinagagawa ng partido ng babae bago mahingi ang mga kamay nito para sa pagpapakasal.

Public Domain Image

Tipikal din noon ang pagbibigay ng dote o dowry ng manliligaw para sa pamilya ng babaeng kaniyang pakakasalan bilang simbolo ng kaniyang pagpapahalaga sa pamilya dahil sa pag-aalagang ginawa ng mga ito sa anak.

Loading…