Sayang! Perang nahukay sa construction site na aabot sa P300K, wala nang halaga

Screenshot mula sa KMJS video
  • Nakahukay ng halos P300K ang mga trabahador sa isang construction site sa Surigao
  • Subalit wala na umano itong halaga, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas
  • Nanghinayang naman ang mga trabahador dahil malaking tulong sana daw ito sa kanila

Tuwa at pag-asa, na kinalaunan ay napalitan ng panghihinayang, ito ang naramdaman ng mga trabahador sa isang construction site matapos makahukay ng libo-libong pera na aabot sa P300K hanggang P500K.

Natagpuan ng mga trabahador ang perang nakabalot pa sa plastik habang hinuhukay ng backhoe ang parte ng ginagawang bakod sa Barangay Telaje, Tandag City, Surigao del Sur kamakailan.

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon sa mga ulat, mayroong P20, P50, P100, P200, P500 at P1,000 na perang papel na ilang beses natagpuan ng mga laborer habang ginagawa ang kanilang trabaho.

Pinaghati-hatian umano ito ng mga trabahador at mayroon pang humingi sa labas. Dahil dito hindi na matantiya kung gaano kalaki ang halaga ng perang nahukay bagama’t mayroong nagsasabi na aabot ito sa halos kalahating milyong piso.

Subalit ang kanilang tuwa ay nabalutan ng panghihinayang matapos sabihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas na wala na itong halaga dahil mga luma ito at demonetized na, o yaong mga nilimbag sa pagitan ng 1985 at 2017.

Nang malaman ng mga awtoridad ang balita, kinumpiska nila ito. Maaari daw kasing magamit sa labas ang mga nasabing pera at makapanloko pa ng ibang tao.

Screenshot mula sa KMJS video

Nagtataka naman ang mga tao sa lugar kung paano napunta sa lupa ang pera. Posible umanong galing ito sa ilegal na gawain at ibinaon upang itago ng may-ari.

Ayon sa Bangko Sentral, wala na silang magagawa at hindi na ito mapapalitan pa dahil lumampas na ang ibinigay nilang palugit.

Maaari pa rin daw itong itago subalit para maging souvenir na lamang.

Panoorin ang ulat sa video na ibinahagi ng KMJS via GMA Public Affairs YT channel:

Loading…