‘Second wave’ ng COVID-19 outbreak sa Baguio City pinangangambahan

Imahe mula sa Facebook - Baguio City Guide
  • Nakararanas ng ‘second wave’ ng COVID outbreak ang Baguio City
  • Kinumprima ito ni Mayor Magalong matapos ang biglang pagdami ng kaso sa lungsod
  • Nanawagan din ang alkalde na sumunod sa pinaiiral na health protocol

Nangangamba si Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil sa biglang pagdami muli ng kaso ng coronavirus sa lungsod nitong nagdaang mga araw. Aniya, nararanasan nila ngayon ng ‘second wave’ ng COVID-19 outbreak matapos magpositibo ang 15 katao sa loob lamang ng dalawang araw.

“We have to be very transparent, tinatamaan kami ng 2nd wave ngayon dahil ito nga lang Sunday, 15. In two days, Saturday, Sunday tinamaan kami ng 14 to 15 ,” ani Magalong sa panayam ng DZMM Teleradyo nitong Huwebes.

Imahe mula sa Facebook ng Baguio City-PIO

Sa 15 bagong kaso umano, walo dito ay pawang empleyado ng bangko.

Inamin din ng alkalde na nakita na nila ang ganitong indikasyon mga tatlong linggo na ang nakararaan. Ito rin ang dahilan kung bakit nagsagawa na sila agad ng ‘expanded testing’.

“Last month, mayroon kaming programa na 10 percent per sector. Naging OK po ‘yun, maganda ‘yung resulta. Inulit namin, different sector naman pero iba-ibang sub-sector naman, granular ginawa namin. Dito namin nakita talaga ‘yung 14 to 15,” paliwanag ni Magalong.

Isa sa itinuturong dahilan ng biglang pagtaas ng kaso sa lungsod ay kumbinasyon ng mga locally stranded individulas (LSI) na bumalik sa Baguio, mga OFWs na nagbalik-bansa at community transmission na rin.

Imahe mula sa Facebook ng Baguio City-PIO

Nanawagan na ang pamunuan ng lungsod sa mamamayan nito na patuloy na sumunod sa ‘minimum health protocol’ upang maiwasang mahawahan ng virus.

Ipinag-utos na rin ni Magalong ang pagbabalik ng ‘general lockdown’ kada araw ng Linggo, mas istriktong ‘border management’ at mas pinaigting na implementasyon ng general curfew mula 10 PM hanggang 4 AM.

Isa ang lungsod ng Baguio sa naging maagap sa pagkontrol ng pagkalat ng COVID-19 dahil sa epektibong health protocol at contract tracing na pinairal doon.

Loading…