Serbisyo sa salon at barber shop pinalawig sa GCQ, puwede na ang ibang hair-related services

Imahe mula sa Marqed Salon
  • Pinalawig ng IATF ang mga serbisyong maaaring ibigay ng mga barber shop at beauty salon
  • Kung dati ay haircutting lang, puwede na ngayon ang iba pang hair-related services tulad ng pagpapakulay, pagpapakulot, rebond, keratin at iba pa
  • Ang manicure, pedicure at masahe ay papayagan na rin ngunit kailangan munang maglabas ng guidelines hinggil dito ang DTI

Dati ay haircut lang ang pinapayagang gawin sa mga beauty salon at barbershop sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) subalit ngayon ay maaari na ang hair treatments at iba pang hair-related services.

Imahe mula sa INP Facebook page

Puwede nang magpakulay, magpakulot, magpa-rebond at magpa-keratin ng buhok sa mga parlorista at barbero sa mga GCQ areas. Ito ay matapos alisin ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang ilang restriksyon sa operasyon ng mga negosyong nabanggit.

Sa Laging Handa virtual press briefing noong Biyernes, July 3, inihayag ni Presidential Spokesperson na si Harry Roque na inalis sa guidelines ng IATF ang probisyon na nagsasabing ang grooming services ng mga salon at barber shop ay “limited to basic haircutting services.”

Tinanggal na po ang clause na ‘limited to basic haircutting services’ para sa barber shop at salon sa guidelines sa mga lugar na nasa GCQ,” pahayag ni Roque na tagapagsalita rin ng IATF.

Dagdag pa niya, ang ibang serbisyo sa naturang industriya tulad ng manicure, pedicure, masahe, eyelash extension, waxing, shaving at iba pa ay allowed na “in principle.”  Kailangan lang muna raw na maglabas ng guidelines hinggil sa mga ito ang Department of Trade and Industry (DTI).

Imahe mula sa Marqed Salon

‘Yung mga pedicure, manicure, antayin muna po ang guidelines, bagama’t in principle papayagan po ‘yan. Antayin lang natin ang guidelines ng DTI,” aniya.

Sa ilalim ng GCQ ay pinapayagan ang 30% capacity operation ng mga barbershop at beauty salon. Papayagan ang 50% capacity operation ng mga ito sa ilalim ng mas maluwag na modified  GCQ.

Ang minimum public health protocols ay dapat pa ring pairalin upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa Freepik
Source :

GMA Network, PNA

Loading…