Silid-tulugan nagmistulang “five-star hotel” matapos dumaan sa make-over

  • Ibinahagi ng isang netizen ang kahanga-hangang transpormasyon ng kaniyang silid-tulugan
  • Mula sa karaniwan, nagmistula itong silid-tulugan na kadalasang makikita sa isang mamahaling hotel
  • Aniya, pangarap niya talaga noon pa man na magkaroon ng silid-tulugang mala-five-star hotel kaya naman hindi siya nag-aksaya ng panahon sa pag-achieve nito

Hindi maitatatwang isa ang silid-tulugan o kuwarto sa mga bahagi ng bahay na masasabing personal at sagrado para sa may-ari nito. Simbolo kasi ito ng pagiging pribado at pagpapaalalang maaaring magpahinga matapos ang isang buong araw ng pagiging produktibo at pagtatrabaho para sa sarili, pamilya, at mahal sa buhay.

Kaya naman, marami ang talagang gumagastos upang mapaganda at maipaayos ang kanilang silid-tulugan. Isa na riyan ang netizen na si “Nelo Coloma” kung saan ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post ang make-over na ginawa niya sa kaniyang silid-tulugan o kuwarto sa panahon ng community quarantine.

Imahe mula sa Facebook account ni Nelo Coloma

“SHARE KO LANG! The Before | During | and After of my FORTRESS. Before, every time I entered a hotel room na-aamazed talaga ako Sobrang pinagarap ko magkaroon ng room na very comfy. And I always tell myself na magkakaroon din ako ng room na parang ganoon (not quite pero puwede na)  HAHAHAHA,” ayon sa kaniyang post noong Hulyo 15, 2020.

Ibinahagi nga niya ang mga kuhang larawan bago, habang, at pagkatapos mapaganda ang kaniyang “fortress.” Tunay na kamangha-mangha ang transpormasyon dahil mula sa tila karaniwang silid-tulugan, nagmistula itong isa sa mga mamahaling kuwarto o silid sa isang five-star hotel, kagaya ng kaniyang pinangarap noon.

Narito ang ilan sa mga komento ng mga netizens.

“Nakakatuwa naman! So inspiring! Parang ayoko nang lumabas ng kuwarto na iyan kapag diyan ako natulog haha. Parang pumasok ka sa mamahaling hotel with music lounge and bar, so relaxing…” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Wow super ganda po… sana ganiyan din ang kuwarto ko!”

“Sana ma-achieve ko ring mapa-renovate ang aking kuwarto, maliit nga lamang, pero magagawan naman ng paraan hahaha,” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Nelo Coloma

Ayon nga sa mga eksperto, mahalaga ang pagtulog ng walo hanggang sampung oras sa isang araw, at maaaring magawa ito kung maayos, maganda, at komportable ang silid-tulugan. Nais mo rin bang tularan ang transpormasyong ito?

Loading…