Staff ng PSC huli sa ‘payroll padding’; perang nanakaw aabot umano sa P14-M

Imahe mula sa ABS-CBN video
  • Empleyado ng PSC nahuli sa diumano’y ‘payroll padding’ scheme
  • Aabot sa mahigit P14-M ang nanakaw ng empleyado
  • Halos limang taon na pala itong ginagawa ng lalaki subalit kamakailan lang nabuko

Bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang empleyado ng Philippine Sports Commission (PSC) na siyang pinaghihinalaang nasa likod ng nawawalang pondo na hindi bababa sa P14-M.

Kinilala ang empleyado na si Paul Michael Padua Ignacio, admin assistant na nakatalaga sa PSC Personnel Department at responsable sa paggawa ng payroll para sa suweldo at allowances ng mga coach at atleta ng ahensiya.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Natuklasan ng mga awtoridad na isinasama pala ni Padua sa payroll ang mga hindi na aktibong coaches at athletes. Subalit ang mga suweldo at allowances umano ng mga ito ay dumidiretso sa bank account mismo ng nabanggit na empleyado.

Nadiskubre lang ang anomalya matapos magtaka at magtanong ang bangko kung bakit pumapasok sa iisang account lang ang suweldo ng ilang atleta at coach. Tuluyan nang nagduda ang bangko nang minsan daw ay nag-withdraw si Padua mula sa kaniyang account ng P2-M.

Umamin naman si Padua sa kalokohang nagawa. Nasilaw lang daw siya sa pera dahil na rin sa liit ng kaniyang sahod.

Halos limang taon na pala itong ginagawa ng empleyado kaya tinatayang aabot sa mahigit P14-M na ang nawala sa pondo ng PSC.

Fernandez| Imahe mula sa PSSC Facebook

Humingi naman ng tulong si PSC officer-in-charge Ramon Fernandez sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang pangyayari.

“We hope that we can get to the truth and bring the accountable to justice swiftly. The PSC will never waver in its duty to protect the interest of its stakeholders and the Filipino people,’’ ani Fernandez.

Nahaharap sa kasong falsification of public documents at qualified theft si Padua na ngayon ay nakakulong na sa tanggapan ng NBI.

Loading…