Suweldo ng mga entry-level nurses, tinaasan

  • Inumentuhan ang mga entry level nurses na nagtatrabaho sa mga pampublikong ospital at institusyong pangkalusugan
  • Itinaas din ang suweldo ng iba pang mga nurse positions para naman makasabay sa pagtaas na ito
  • Mula mismo ito kay Budget Secretary Wendel Avisado mula sa Budget Circular 2020-4, “upgrading the pay of entry-level nurses to Salary Grade (SG)-15 from SG-11”

Itinaas ng Department of Budget and Management (DBM) ang suweldo ng mga entry-level nurses na magtatrabaho at magbibigay-serbisyo sa mga pampublikong ospital at institusyong pangkalusugan dahil na rin sa mataas na pangangailangan at bantang panganib para sa mga health workers na nagsisilbing frontliners sa pagsugpo ng COVID-19.

Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, ipinalabas na nila ang Budget Circular 2020-4, “upgrading the pay of entry-level nurses to Salary Grade (SG)-15 from SG-11.”

Public Domain Image

Makatatanggap ang mga entry-level nurses ng 32,053 hanggang 34,801 piso, malayo sa dating 22,316 hanggang 24,391 piso batay sa DBM National Budget Circular No. 579.

Sakop nito ang lahat ng nurse positions, mapa-regular, casual o contractual, full-time o part-time, sa mga pambansang ahensiya ng pamahalaan, kasama ang mga naninilbihan sa mga state colleges, universities at state corporations, gayundin sa mga local government units na nasa ilalim ng Compensation and Position Classification System (CPCS) ng Republic Act (RA) No. 6758 o Compensation and Position Classification Act of 1989.

Bukod sa salary grade ng mga Nurse I positions, itinaas din ng DBM ang suweldo ng iba pang mga nurse position.

Ang mga Nurse II positions ay makakukuha ng SG-17 (mula sa 15), ang Nurse III positions naman ay SG-19 (mula sa SG-17), ang Nurse IV positions naman ay SG-20 (mula sa SG-19), SG-22 (mula sa SG-20) naman para sa Nurse V positions at SG-24 (mula sa SG-22) naman sa Nurse VI positions.

Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Dapat lang talagang itaas ang suweldo ng mga health workers ngayon, kumbaga, nasa hukay ang isa nilang paa kapag tumutupad sa kanilang mga tungkulin. We love you frontliners!” sabi ng isa.

Saad naman ng isa, “It’s a good initiative, but in the end it’s a fairy tale story, kung hindi naman magmamaterialize. Sana pati ang mga medical technologists ay makasama rito.”

“Kailan kaya tataasan ang minimum wage para naman sasapat sa kasalukuyang standard of living ang kita ng mga pangkaraniwang manggagawa?” tanong naman ng isa.

Sana nga ay maibigay ang karampatang suweldo para sa ating mga nurses na maituturing na bayani sa kasalukuyang panahon ng pandemya, kasama ng iba pang mga health workers.

Loading…