‘Sweetheart deal’ umano sa pagitan ng Meralco at ERC, babalatan ni Cayetano

Imahe mula sa Facebook ni Speaker Cayetano/Meralco
  • Bubusisiin umano ni Speaker Cayetano ang naaamoy na ‘sweetheart deal’ sa pagitan ng ERC at Meralco
  • Ikinumpara din ng mambabatas ang ERC at Meralco sa ABS-CBN
  • Hiniling din ni Cayetano na sana ay magbigay ng discount o subsidy ang Meralco

Nangako si Speaker Alan Peter Cayetano na bubusisiin niya ang mistulang sabwatan sa pagitan ng Meralco at Energy Regulatory Commission (ERC) na nagresulta umano sa napakataas na singil sa kuryente nitong mga nagdaang buwan.

Sa ginawang pagdinig ng House Committee on Good Governannce and Accountability, hinimok ni Cayetano ang ERC na maging matalino sa pag-unawa ng batas at dapat ay unawain ito ng naaayon sa interes ng publiko.

Imahe mula sa Alan Cayetano website

Hindi rin itinago ng mambabatas ang kaniyang pagkadismaya sa ERC na simula pa lamang daw ay naobserbahan na niyang laging tila pumapabor sa malalaking pribadong kumpanya, kung hindi man sa may-ari ng mga ito.

“If you’re not giving the best possible price to the public, then ibig sabihin may sweetheart deal diyan. Sana during the President’s time, ma-reboot, mareset natin itong lahat,” ani Cayetano.

Hindi rin naiwasan ng mambabatas na ikumpara ang Meraloc at ERC sa ABS-CBN na kamakailan lang ay nabigong makakuha ng bagong prangkisa dahil diumano sa paglabag sa batas,

“I’m not saying you’re not doing your job. Let me make this clear, walang kaibahan ito sa ABS-CBN. Just because legal ang ginagawa mo, that doesn’t mean you’re not abusing the system,” wika nito.

Dagdag pa ng kongresista, hindi maaari na kung sinong mas malalaking kumpanya, sinong mas may kapit, sinong mas mayaman, ay siyang dapat masunod.

Imahe via DF Balita

Hinimok din ni Cayetano ang Meralco na kung maaari ay magbigay ito ng 50% discount o subsidiya sa mga consumer para naman makaagaan sa kanilang gastusin.

“I don’t want to put you on the spot na parang i-libre ninyo sana ang isang buwan dahil pandemic, dahil alam kong negosyo ‘yan. May financial side diyan, may shareholders kayo. But can I request tingnan ninyo ang mga lifeline? Baka naman may magawa ang Meralco,” hiling ng mambabatas.

Nitong Hunyo, maraming konsyumer ang nagulat sa dumating na Meralco bill dahil halos triple ito sa kanilang inaasahan. Bagama’t nagbigay na ng palugit ang kumpanya para sa pagbabayad, hindi umano ito sapat ayon sa karamihan sapagkat ang pinag-uusapan dito ay ang hindi makatarungang pagtaas ng kunsumo.

Loading…