Tatlong opisyal ng Philhealth nag-resign dahil sa ‘malawakang kurapsyon’

Imahe mula sa PASEI
  • Nagbitiw sa tungkulin ang tatlong opisyal ng Philhealth dahil sa diumano’y malawakang kurapsyon sa ahensiya
  • Isa na rito ang anti-fraud legal officer na si Atty. Thorsson Montes Keith na kumalat sa social media ang resignation letter
  • Tinututulan umano ni Keith ang pagsingil ng kontribusyon sa mga OFWs dahil ito ay ‘unconstitutional’

Tatlong matataas na opisyal ng Philhealth ang nagbitiw sa tungkulin dahil sa diumano’y malawakang kurapsyon sa ahensiya.

Ayon sa lumabas na mga ulat, nagkaroon ng Zoom meeting ang ilang opisyal nitong Huwebes ng gabi kung saan umano nabisto ang katiwalian ng ilan sa kanila na nauwi sa mainit na pagtatalo.

Kabilang sa napaulat na nag-resign sina Thorsson Montes Keith, anti-fraud legal officer, at Bai Laborte, head executive assistant ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales. Inaasahan ding magbibitiw sa tungkulin ang isa pang abogado na nakilala lamang sa apelyidong Labe.

Imahe mula sa GMA News

Kumalat din sa social media ang resignation letter ni Keith kung saan inihayag niya rito ang pagkadismaya sa umano’y malawakang kurapsyon sa Philhealth.

Isa sa tinututulan ni Keith ay ang sapilitang pagsingil ng kontribusyon sa mga OFWs na labag umano sa Saligang Batas at hindi naman itinatakda ng Universal Health Care (UHC) law.

“It is against my personal values to let the OFWs pay for the spillages of Philhealth,” wika ng sulat ni Keith.

Hindi rin umano patas ang proseso ng promotion sa ahensiya at kailangan itong maimbestigahan.

Ricardo Morales| Imahe mula sa PIA

Napag-initan din daw siya matapos niyang simulang kalkalin at imbestigahan ang ilang opisyal na sangkot sa katiwalian na nagresulta sa pagka-antala ng kaniyang suweldo at hazard pay.

“I believe there is widespread corruption in Philhealth,” ayon pa sa abogado.

Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang Philhealth President at CEO Ricardo Morales tungkol sa panibagong kontrobersiya na hinaharap ng kaniyang ahensiyang pinamumunuan.

Loading…