Tech CEO na nagpahiya sa isang pamilyang Pinoy sa California, nagbitiw na sa trabaho

Imahe mula sa Forbes
  • Nag-resign na sa trabaho ang CEO na nambastos sa isang pamilyang Pinoy sa California
  • Nauna nang humingi ng paumanhin sa pamilya ang lalaki
  • Umani ng batikos ang lalaki dahil sa kagaspangan ng ugali nito

Nagbitiw na sa trabaho bilang chief executive officer (CEO) ng isang tech company ang lalaking nakunan sa video na ipinapahiya ang isang pamilyang Pinoy sa loob ng isang restaurant sa California.

Magugunitang umani ng batikos ang isang lalaki matapos nitong tawagin na “Asian pieces of sh**“ at iba pang masasakit na salita ang isang pamilyang kumakain sa loob ng Lucia Restaurant sa Bernardus Lodge sa Carmel Valley noong Hulyo 4.

Ibinahagi ni Jordan Chan, isa sa miyembro ng pamilya, ang nakunang video sa Instagram at kaagad itong nag-trending.

Nakilala kinalaunan ang lalaki na si Michael Lofthouse, CEO ng IT company na Solid8. Humingi na ng paumanhin si Lofthouse sa pamilya na kaniyang binastos.

“This was clearly a moment where I lost control and made incredibly hurtful and divisive comments. I would like to deeply apologize to the Chan family,”  ani Lofthouse.

Nitong Sabado, kinumpirma ni Lofthouse sa San Francisco Chronicle na nagbitiw na siya sa trabaho: “I can confirm that I have stepped down from Solid8, terminating all business relationships with immediate effect. I will make it my duty to ensure my personal actions do not continue to have a detrimental impact on those people closest to me.”

Mapapanood sa video ang iba pang foul na salitang binitawan ni Lofthouse sa pamilyang Pinoy.

Tumigil lamang si Lofthouse nang makialam na ang isang empleyado ng restaurant at pinalabas ito.

Sa panayam kay Raymond Orosa, isa sa miyembro ng pamilya, ipinagdiriwang lang umano nila ang kaarawan ng kaniyang asawa nang bigla na lang sumabat si Lofthouse. Habang papalabas na ito ng restaurant, patuloy pa rin umano ang pang-iinsulto sa kanila ng lalaki.

Kuwento ni Orosa, iyon ang unang-unang pagkakataon na nakaranas sila ng pambabastos sa Estados Unidos dahil sa pagiging Asian.

Video na ibinahagi ng ABC7 News Bay Area sa YouTube:

Loading…