Tindahang kailangan pang “dapaan” upang ika’y mapagbilhan, kinaaliwan

  • Kinatuwaan ng mga netizens ang isang tindahan
  • Kailangan pa kasing ‘dapaan’ ito ng mga suki para lamang mapagbilhan
  • Umani ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Isa sa mga pinakasikat at pinakapatok na pinagkakakitaang negosyo ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng tindahan o sari-sari store. Dumarating pa sa puntong halos lahat ng magkakapitbahay ay puro may tindahan sa harap ng kanilang mga bahay. Wala yatang lansangan sa Pilipinas na walang tindahan, maliban na lamang kung talagang pang “rich kid” ang lugar kagaya ng mga exclusive subdivisions.

Karamihan sa mga tindahan, isinasabit lamang ang mga paninda sa bintana ng bahay, o kaya naman, naglalagay lamang ng malaki o mahabang mesa, ipatong ang mga paninda, at presto—may tindahan na! Kaya naman, nagdulot ng katatawanan sa mga netizens ang larawang ibinahagi sa Facebook page na “Papa” kung saan makikita ang isang lalaking nakadapa na makabili lamang sa isang tindahan, na hindi naman tinukoy kung saan.

Imahe mula sa Facebook page na Papa

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Pabili pong unan at kumot tutulog lang ako dito sa tindahan ninyo,” pabirong banat ng isa.

Turan naman ng isa, “Hahaha, grabe naman ang puwestuhan ng tindahan! Parang ayaw magpabili ah. Naku, mahihirapan ang mga uutang dito, literal na dadaan sa butas ng karayom!”

“In short, nagtatago ito sa mga uutang hahaha, ayaw mautangan,” sapantaha naman ng isa.

Samantala, sa Kabuntalan, Maguindanao naman ay pinag-usapan din ang isang tindahang napakataas naman ng lokasyon at kinakailangan pang gumamit ng hagdanang kahoy ang mga suki upang makabili rito.

Imahe mula sa Juan Tambayan

Ayon sa mga dalubhasa, bagama’t madali lamang ang pagtatayo ng mga tindahan o sari-sari store sa mga kabahayan, kailangan pa ring pag-aralan ang ilang mga salik upang maging patok ito at hindi malugi, kagaya ng lokasyon nito. Mas mainam kung ang puwesto ng tindahan, at maging sa lahat naman ng negosyo, ay kayang maabot o puntahan ng lahat. Mas mainam kung ito ay nakatayo sa matataong lugar upang mas maraming bumili.

Susunod, kailangan ding hindi naman “garapalan” ang patong o tubo. Dapat ay abot-kaya pa rin ng bulsa ang mga paninda. Higit sa lahat, makatutulong din ang pagkakaroon ng unique o mapamukaw na pangalan nito, na kadalasan ay ipinapangalan sa may-ari, kaanak o mahal sa buhay ng may-ari, o iba pang nakatutuwa at kasiya-siyang pangalan.

Loading…